Huwebes, Disyembre 26, 2013

Ang Banta ng mga Bantas

hindi mahagilap ang
tuldok
ni hindi magawang
iputok
ang tinta sa dibdib
upang pahintuin
o kahit antalain
ang masaklap
na kahulugan
ng mga salita

kumakaway
ang kuwit
parang
nangangalabit
ng panandaliang
sagot
sa walang
katapusang
pagtutuwid
ng dahilang
gusot, masalimuot

ipinapaalala ng
padamdam na pananda
na magtanda:
na sumusuka
ng mga ponema
ang dila
para sa isipang batid
ang pagkakaiba
ng wasto sa tama

isang kilong
tandang pananong
ang inihahain
ng mga pagkakataon
bakit may kasamang
tuldok ang
kalawit sa tanong
nakasabit, nakabitin

kailangan bang
tumingala sa langit
pagkat ikinukubli
ng kudlit
ang kahulugang
itinago, naglaho
ang silbi’y winaglit

nagbabanta
sa gunita
ang mga bantas
inihahanda
ang paggiba
sa dibdib
ng mga salita
nangungusap
na ang luha
sa mga talata
tutuldukan pa ba

ang paglaya?

Sabado, Agosto 3, 2013

Road Widening

Sinasakop ng semento't graba
ang mapulang putik na kalsada.
Palapad nang palapad ang daan,
samantala, paliit nang paliit 
ang aming puwang na gagalawan, 
sa kinongkretong lansanga't 
pinalitadahang tahanan

Miyerkules, Marso 20, 2013

MAKAHIYA


Manghang-mangha ako tuwing titiklop ang dahon ng makahiya. Tuwang-tuwa akong paglaruan  ‘yon.  Misteryo sa ‘kin ang galaw n’un tuwing masasagi ng daliri ko o kahit ng malakas na hangin. Parang katawan ko na tumitiklop ‘pag kinikiliti ni Itay
Ilang araw ko na ring kalaro ang makahiya. Hindi naman bakasyon, pero madalas ako sa tapat ng bahay namin. Wala kasing pambaon sa iskwela. Kaya naglilibang na lang. Inaabot at tinatanaw ang mga makahiya kasama ng mga damo, doon sa loob ng bakod na rehas. Pag-aari raw ng gobyerno ang kabila ng bakod na ‘yon minsang sabi ni Itay.
Nagtataka nga ako na tumubo ang mga makahiya sa pulang lupang mabato na sagana sa basura. Siguro dahil sa basura, sumusustansya ang lupa kaya maraming damo at makahiya. Iyon kasi ang likuran na nagsisilbing tambakan ng basura ng isang puting building na nasa gitna ng bakuran na ‘yon. Du’n daw sa building na ‘yon dinadala ang mga ballot box ‘pag panahon na ng botohan.  At ‘yon naman ang tapat ng bahay namin. Bakod na rehas lang ang namamagitan.
Sa rehas na ‘yon din nagsasampay ng labahan si Inay at du’n din ako humahawak sa pag-abot ko sa mga makahiya.
Pero isang umagang himas-himas ko ang rehas habang pinagmamasdan ang mga makahiya sa bakuran na ‘yon, narinig ko ang pagdakdak ni Aling Iming sa tapat ng bahay namin. Hindi raw maayos ang nilabhan ni Inay. Hindi raw mabango. Hindi raw nilagyan ng Downey. Hindi raw malinis. Hindi raw sulit ang ibinayad niya. Hindi na raw siya magpapalaba ulit. Hindi na, hindi na, at marami pang hindi.
Nakita ko si Inay, hindi nagsasalita. Nakatungo. Parang makahiyang tumiklop sa hipo ng maingay na boses. Pero hindi siya nakiliti.

Hindi, hindi ko mahagilap ang pagkamangha sa kalagayan na ‘yon. Doon ko naisip, hindi rin pala masayang paglaruan ang makahiya.

Miyerkules, Marso 6, 2013

Burgis na Tambay

Sa labas ng bahay:

    Adidas ang t-shirt
    Levis ang pantalon
    Nike ang sapatos
    Zagu’ng iniinom

Ang loob ng bahay:

    walang damit ang bubong
    walang sapin ang dingding
    ni ilaw na maningning
    Nawasa’ng iniinom 

Nasaan


Noon,
saan matatagpuan
ang punong mangga?
Hitik sa bunga’t
may malalagong sanga,
nagkaloob ng lilim
sa aming pamilya.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Saan matatagpuan
ang talahiban?
Nagmistulang ulap
na nagkanlong
sa aki’t
naging palaruan.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Ngayon,
saan matatagpuan
ang aming dampa?

Wala na,
giniba
sa tapat ng talahiba’t
punong manga.
Binuldoser
Binura

Iba't Ibang Tanaga

Grave Shift
nilalamon ng hikab
matang di makakurap
bumigay ang talukap
sinesante't binulag


Kapeng Barako
nabigla sa paghigop
dila'y tila tumiklop
sa tapang ng barako
tumili ng mapaso

Saging na Saba
binalata't nilaga
nakinabang ay iba
hinati ang 'yong puso
nagpabaya ang puno


Langit at Lupa
sabi niya ay "langit"
pagdidiin at pilit
ang taya ay nagalit
lupa nila'y nailit

Relief Goods
matuto raw maghintay
'pagkat sila'y mahirap
tiya'y di makahintay
rebolusyo'y sisiklab

Umasa
'sing talas ng talahib
sumusugat sa dibdib
lumalatay sa isip
ang pangakong kinipkip

Sabik
malalaki ang hakbang
ng paa kong namanhid
ang tsinelas kong asam
hindi man lang nanabik

Habilin
'sang pakete ng gata
'yung pulbos na di piga
pag-uwi'y walang dala
sarili'y nasangkutsa

Stress
kumapal na ang eye bag
sa pagpiga sa utak
tinutunton anng linya
nangingitim ang mata

Katabi
isang dipa ang puwang
walang laman ni gatlang
di mapunan ang patlang
walang namamagitan



Miyerkules, Enero 9, 2013

PLASTIK

Matapos magpunas ng diyaryo, itinaas niya ang kanyang shorts. Ibinuhol ang plastic bag na pinagpatakan ng tae. Pumunta siya sa likod-bahay. Inihagis sa ilog ang dumi. Agad siyang lumabas ng bahay at tumungo sa palengke bitbit ang isang salansan ng plastic bag. Ilalako niya ang mga iyon. 
Mahalaga kay Nene ang plastic. Tulong niya sa kanyang ina na labandera ang kinikita niyang barya sa paglalako niyon. Higit sa lahat, doon nila ipinapatak ang latak ng ampaw nilang sikmura. Iyon ang kanilang magic inidoro. 
Tuloy siya sa paglalako. "Plastik! Plastik po kayo dyan Mam! Ser!" 
Matumal ang benta ngayon. Buti pa ang plastic hindi pinapawisan at nangangawit. Kaya naisip niyang umupo muna sa bangketa. Hindi niya mabilang ang mga taong nagdaraan sa harap niya. Tumingala siya. Inaninaw ang langit. Napukaw ang atensyon niya ng isang matingkad na dilaw na karatula sa poste sa kabilang kalye. Napakunot ang noo. Hindi niya maunawaan. May napansin siyang larawan ng lalaki sa karatula. Hindi niya kilala. Tinitigan niya. 

CITY ORDINANCE SP-2103
Bawal ang Plastic