Biyernes, Mayo 25, 2012

Ang Mangangapa


May kamay na kumakapa. Sa ilalim ng bag sa ibabaw ng hita. Patuloy ang pagkapa. Manhid ang kinakapa. Maingat naman ang kumakapa at aktibo ang lahat ng kanyang pandama. Normal lang ang paligid. Lahat sila’y manhid. Normal lang ang araw, sa mangangapang lakas ng loob ang puhunan.

Tapos na ang pangangapa.

Sinipat ng mata ng tsuper ang rear view mirror, paghinto sa kanto ng Mindanao Ave. Napailing. Nagwika "tsk! tsk! oh, baka ho may nakuha sa 'nyo!" Natauhan ang lahat. Isa-isang kinapa ang bulsa’t bag.

Isang estudyante ang napaiyak. Laslas ang bag. Pangmatrikula’y naglahong parang bula.

Ang mahilig mangapa, pauwi na sa anak niyang nag-aagaw-buhay sa dampa nila sa ilalim ng tulay.

Huwebes, Mayo 24, 2012

SIKRETONG MALUPIT



Pinihit niya ang gripo. Bumasag sa katahimikan ang tunog ng tubig na pumapatak sa baldeng walang laman. May kumislap na bagay. Bahagyang nagliwanag. Humithit. Nagningas ang baga papalapit sa kanyang labi. Dumaloy ang usok sa lalamunan patungo sa baga. Saglit na ibinabad. Unti-unting ibinuga. Dahandahan. May indayog ang mabagal na paggalaw sa patay na hangin.

Lumaya ang isip. Ang puso niya’y bumilis ang pintig. Kumawala sa taimtim na sandali ang tuwa sa lahat ng kimkim. Lumabas sa katawan ang hindi mapigilang gigil. Hithit. Buga. Hithit. Buga. Paulit-ulit.

Unti-unting pumatak ang latak ng bituka kasabay ang pagpatak ng malamig na pawis. Sa wakas, nakaraos din. Makapal na ang puting usok sa kulob na silid.

Bumasag sa taimtim na sandali ang malalakas at sunod-sunod na katok sa pinto. Kasunod ang bulyaw ng pamilyar na tinig. “Hoy Junior! ‘Kaw bata ka! Anong petsa na? Kaninang-kanina ka pa dyan!!”

“Lalabas na ho! Maghuhugas lang, saglit!”
 
Nilamon ng trono ang kanyang sikreto.

Sabado, Mayo 5, 2012

GTG

Pinindot ang keyboard,
klik
tumunog..
Log in
May numero, may titik.

Pinindot ang enter,
Klik
lumabas..
Welcome!
May pangalan, may larawan.

Namilog ang mata,
Ngumiti..
Farm Gift!
May titik, may mensahe.

Ginalaw ang mouse,
Pinindot ang keyboard,
Klik
Klik
tumunog..
Nanabik,
May larawan, may salita.

Pumindot
Naaliw,
Paulit-ulit..
Klik
Klik
Klik
Humapdi ang mata,
Nanakit ang batok,
Namanhid ang puwit.

Klik
Klik
Klik
Klik

Tumunog!
Humapdi ang tiyan,
Masakit ang katotohanan!
Namanhid ang diwa,
Bulag ang kamalayan!

Log out na!

Ilang oras ang nasayang,
Katumbas ng mahabang panahong
pagwawalang bahala..

Sayang!
Hindi namunga ang Farm,
Bukas ulit
gtg

Tulay na Bakal


Sa berdeng tulay na bakal na iyon
Isang musmos ang kunot-noong  nakatanaw
yayat ang katawan,
hungkag ang mukha
walang tiyak na patutunguhan
ang tingin..

sa berdeng tulay na bakal na iyon
hindi natitinag ang laksa ng tao
walang damdamin,
nagmamadali
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
lantad ang lupit ng daigdig
‘sang kalawanging lata ng sardinas
Butas na tsinelas
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
walang lugar para maglaro
ang tuwid na estruktura
tanging layon ay mag-ugnay
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
sumaglit sa alaala
‘sang inang naghahabol ng hininga
may kumislap sa sulok ng mata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
maraming pangarap ang nagdaraan
asam ay hulugan ng pagpapala
bahaw pa rin ang tunog ng lata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
may nakararamdam din pala
aliw-iw sa tenga ang kalansing sa lata
kumurap ang habag
impit na ngiti ang naitugon
nang musmos na kunot-noong nakatanaw….

Mayumi

Sa iyong pintig at galaw,
napapaisip ako
Nandyan ka na ba talaga?
parang misteryo pa rin.

Sa mabilog mong hugis,
ako'y napapangiti
Bakit nga ba?
Eh hindi naman kita nakikita?

Bawat araw ay puno ng kapanabikan
Sa mga indayog mong,
di ko maipaliwanag
Ahh! nahubog ka na nga!

Minsan tuloy ako'y nagtataka
Bakit bilog? hindi ba pwedeng tatsulok?
minsan ka ng tumulis at nanigas
hudyat ba iyon ng pagbabago ng hugis mo?
O ng pagod na nadarama habang nasa loob ka?

Nangangamba tuloy ako
dahil alam kong may nasasaktang iba..

Kayong dalawa,.. iisa,
Ikaw o siya?
Sino ang mahalaga?
bilog ka at siya'y imahe na,
Hindi usapin kung sino ang mahalaga..

Sa paghimas at pagpindot ko sa balat niya,
Ikaw ang aking nakakapa..
Ang mga galaw ninyo'y mahalaga,
nagbibigay sa akin ng sigla..
Ikaw at Siya..
Ako'y kumpleto na! 

PG

Namimilog ang matang nakatanaw,
ang batang marungis,
sa mamantika't nangangamoy
na manok sa ibabaw
ng nagbabagang ihawan
sa Quezon Ave..

Nanlisik ang mata ng tindera
at itinaboy ang paslit
Nag-ipon ng malapot na likido
ang habag,
sabay lunok..
pamawi sa mithing pangarap
na naunsyami
at nagwika,
" 'la yang enta,
mamya chichibog din 'ko nyan
jalibi pa!"

Tumalikod ang bata
tangan ang kalawanging kalaykay...

Ngiti

Ikaw ang ngiti sa mensahe
Sa dulo ng mga salita
May impit na damdaming sumisilay

Ikaw ang simbolo sa letra
Bawat linya at kurba
May indayog ng isip na kumikintal

Ikaw ang kabuuan sa salita
Bawat hati ng pantig
May bugso ng damdaming tumatalima

Ikaw ang kahulugan sa kayarian
Sa estruktura ng buhay
May balangkas ng bukas

Ang ngiti ay simbolo,
Ang kabuua’y kahulugan
Nagbigkis,
Nabuo ang larawan
Sumisilay, kumikintal,
tumatalima
Ang bukas ay Ikaw….

Biyernes, Mayo 4, 2012

Karera


Kumakaripas ang mga paa, nag-uunahan ang hininga sa pagsuot sa makitid at liko-likong eskinita. Pinapatag ng mga mabibigat ngunit mabibilis na yabag, ang bako-bakong daan marating lang ang labasan. Tangan ng kamay ang hinihingal na manlalakbay. Mahigpit ang pagkakahawak ng mananakbo, sa swerteng pambato ng looban. Sa kanilang husay kasi nakasalalay ang pusta ng buong barangay. Pustang panawid-gutom. Pustang pambayad-utang. Pustang inaasam na dumoble, panawid hanggang gabi. Pustang tinayaan ng dasal nang sila’y pagkalooban.

Kunsabagay, walang dapat ipangamba. Kabisado na niya ang kalangitan ng Maynila. Tunay na batser itong alaga. Kumbaga sa yoyo, bumabalik sa palad. Balikin kung tawagin ng mga paslit na madalas sa bubungan. Yun nga lang, ang yoyo may pisi, makokontrol mo anumang sandali. 

Ito kasing si manlalakbay, isang buwan munang sinanay. Inihagis sa kanto, hanggang makarating sa Quiapo. May swerte nga talaga’t mahusay. Ni minsan hindi nadagit o naligaw. Muli’t muling bumabalik sa tahanan niyang maliit, sa ibabaw ng kalawanging bubong ng kapitbahay…
.
                Kumakaripas ang mga paa. Nag-uunahan ang hininga. Ilang lundag at hakbang na lang. Heto na ang pinish layn sa tapat ng opisina ng barangay.

Kumakabog ang dibdib ng mga tagalooban. May tumitili. May humihiyaw. May nagmumura. May mga kaluluwang pigil ang paghinga.

Hinto. Saglit na sandali!

Manhid na pala’t nanginginig ang pawisang kamay nitong mananakbo. Hindi inaasahang dumulas si manlalakbay sa kanyang kamay. Patay! Hayun! Malayang ikinampay ang pakpak patungo sa kalangitang inari niyang tunay. Lumipad papalayo sa mundong puno ng sigalot. Kasamang nilipad ang pag-asang makaramdam ng langit, ang mga kaluluwang ipinusta ang huling sentimo ng paghinga.

Hinto. Saglit na sandali!

May bumasag ng trip.

“Malas lang! Bawi na lang neks taym!”