Martes, Hunyo 12, 2012

Isang Panimulang Pagkilatis sa Sanaysay na “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan”ni Alejandro G. Abadilla



Mapagbuong Pagwasak
            Ang sanaysay na ito ni Alejandro G. Abadilla ay lumabas sa Liwayway noong Hulyo 8, 1944 bilang tugon sa kritisismo ni Iñigo Ed Regalado. Kilala si Abadilla bilang modernista ng panulaan sa kanyang panahon kaya masisilayan sa sanaysay ang pinanananigan niyang ideya sa pagsulat ng tula. Ang layunin niya’y magkaroon ng kalayaan ang makata sa pagpili ng balangkas at paraan sa pagtula na nang mga panahong iyon ay hindi maunawaan ng mga manunulat na itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog. Winika niya:
                                    Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag… Hindi dapat hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang pagpasasaan..
            Malinaw sa pahayag ni Abadilla mula sa kanyang sanaysay na ang makata ay sentral ang ginagampanan sa malayang pagpapahayag ng mga sangkap at balangkas ng tula. Hindi marapat pigilan ng sinuman, kahit pa ng mga maituturing na establisyamento ng panulaan ang pagbabago ng mundo na kailan man ay hindi tumigil sa pag-ikot upang higit pang matuklasan ang mga kalinangang sarili at pambansa. Ang sanaysay na ito ay isang testamento ng paghuhugis sa bagong mukha ng panulaan nang panahong iyon at pagpipinta ng tunay na kahulugan ng modernistang paniniwala ni Alejandro G. Abadilla. Nilinaw niya na mali ang paniniwala ng mga kritiko na ang makabago ay may layuning ibagsak at lansaging ganap ang katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at palitan ng Tulang Inggles na mula sa mga Amerikano. Ang tinutukoy na balangkas at katutubo ng tula ay ang sukat at tugma na siyang batayan ng pagiging tula ng isang tula sa pagkilala ng sining. Itinuturing noon na sagrado ang pagkakaroon ng sukat at tugma ng tula kaya walang maaaring bumali lalo pa’t ang establisyamento ng panulaan ay binalangkas ng mga matatandang makata na sumamba sa sagradong katutubong balangkas.
            Ipinaliwanag sa sanaysay na ang pagbabagong hangad ay hindi isang pagwasak. Ikinumpara ni Abadilla ang usaping ito sa damit na kumakatawan sa balangkas, pamamaraan o anyo kung saan ang pagbabago ay parang paglalaba ng damit na luma at marumi na. Hindi nito hangad ang lapastanganin ang damit dahil kung gayon nga, ang nilalapastangan ng mga makabago ay ang mga sarili rin nila. Kaya bakit sila gagawa ng bagay na wawasak din sa damit na kanilang inalayan ng panata sa mahabang panahon? Dagdag pa niya, ang isang mamamayan ay may katwirang huwag masiyahang tumira sa luma’t sira-sirang kubo kung may kakayahan naman siyang makabuo ng ibang naiiba at nababago.
            Kung gayon, maaari nating sabihing mapagbuo ang pagwasak na ito, kung pagwasak ngang maituturing. Mapagbuo sapagkat ang hangaring pagbabago ay hindi upang burahin ang isang balangkas at anyo kundi pintahan ng bagong kulay at himig tungo sa isang malayang pagpapahayag.

Ang Laman at Anyo
            Nais linawin ni Abadilla na ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi mahalaga. Sa halip, ang kalamnan nito na tumutukoy sa damdaming matulain, yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig. Gayondin ang halaga ng ritmo o daloy na panloob na kabuuan ng pagkakaisa at pagkakasundo ng kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata. Hiramin din natin ang pahayag ni Clodualdo Del Mundo sa pagsusuri niya sa “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla:
                                    Ang tunay na tula ay kailangang matigib sa damdamin, kinakailangang managano sa kabuuan nito sapagkat kung hindi mapupuno sa damdamin, kailanma’y hindi maaaring mabitag sa mga taludtod nito ang isang kagandahan. At ang gandang kinakailangang mabihag ng mga taludtod at mga parirala sa isang tula’y yaong nakapupukaw sa isang banal na damdamin. Iyan ang tunay na tula: nananagano sa masisidhing damdaming gumigising sa kabanalan ng isang panimdim.
            Ang tinutukoy na damdamin ni Del Mundo ay uusbong sa kapangyarihan sa pagpapahayag ng isang makata. Sa kanyang sariling sumpa nakasalalay ang matigib na damdaming mangingibabaw sa isang obra upang tiyak na lumambong sa puso ng mga mambabasa.
Malaki kung gayon ang papel na ginagampanan ng makata sa pagbuo ng damdamin at balangkas ng anyo. Tulad ng nabanggit sa bandang unahan, ang makata ay sentral ang gampanin sapagkat sa kanyang namumukod-tanging kakanyahan, batayan, balangkas at pamamaraan ng paglikha, bumubukal ang tunay na anyo ng isang makata. Ang makatang bukas ang kamalayan, maramdamin sa kanyang mundong ginagalawan at makapangyarihan sa pagpapahayag ng mga kaisipang kayang damhin ng lahat, subalit hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang tao.
Sa pagniniig ng mga nabanggit, tiyak na matitigib ang laman at makukulayan ang anyo na magpapasilay sa tunay na kahulugan ng tula sa mundo ng panitikan. Ayon kay Abadilla “Ang tula ay tula sa harap ng anumang sukat ang ginagamit ng diumano’y makabago o makaluma.”

Ang Kamao ng Panulat ni A.G.A.
            Taong 1940 nang lumabas sa magasin na Liwayway ang tula niyang “Ako ang Daigdig” na gumimbal sa panulaang Tagalog. Ang tulang iyon ay isang manipesto ng kanyang paglihis sa tradisyon ng pagtula at pagkilos para sa pagbabanyuhay ng mukha ng panulaan. Walang takot ang kanyang mga pahiwatig sa pag-alpas sa pagkakatali sa sukat at tugma. Gayonman itinuring siya ni Clodualdo Del Mundo na namimilosopiya sa anyong paberso sa kanyang tula. Isang pilosopo sapagkat hindi niya naipahayag ng matapat at taimtim ang damdamin na katangian ng isang tula.
Ang paglaban sa sariling mundo ng sining ni Abadilla ay itinuturing niyang sining ng pagpapatiwakal. Ito’y sa kadahilanang sa pagsuong sa disyerto, dadating ang panahon ng pag-iisa at mauubos ang katas ng katawan hanggang sa lamunin ng alikabok at manatili na lamang sa kasaysayan. Ayon kay Virgilio Almario sa kanyang aklat na Pitong Bundok ng Haraya (2010),  napakahirap maging dakila. Uulitin ko ang wika ni Abadilla, sining ito ng “pagpapatiwakal”; isang “panata” para sa kalayaan para kay Ka Amado at malimit na sinusukat ang katapatan at konsistensi pagkaraan ng kamatayan. Kaya higit na dumarating ang mga gantimpala’t parangal kapag siguradong hindi ka na makapagbabagong-loob (sapagkat patay ka na o ulyanin) para maging inconsistent.
            Hindi matatawaran ang halos 30 taong krusada ni Alejandro G. Abadilla tungo sa paggiba sa tinatawag niyang “kastilyong-moog ng lumang institusyon” (Almario, 2010). Subalit nakalulungkot isipin ang katotohanang, ang pagtanggap sa mga kaisipan ng isang tao ay kinikilala na lamang kapag siya’y patay na. Ang mga naiwan niyang kasaysayan ay buhay na patunay ng pagsusulong ng kamulatan sa anumang sistemang umiiral. At ang lahat ng iyan ay makikita sa mga obra niyang bumalangkas at bumago sa tradisyon ng panulaan.
            Sa kabuuan, hindi pagsunod sa tradisyon ang mahihiwatigang tinig ng sanaysay, kundi pagtakwil sa sistema ng panulaan na hindi nagpaunlak sa pagpasok ng bagong tuklas na kaisipan at nagpaubayang magkaroon ng kalayaan ang makata upang lumikha ng obra.

Sanggunian:

Almario, Virgilio S. (2010). Pitong Bundok ng Haraya. UST Publishing House: España, Maynila.