Nakakapagod
ang araw na ‘to. Naka-100 na calls siguro ko. Dagdagan pa ng mga irrate na
Kano, na feeling pag-aari ka nila, na tatanga-tanga dahil kailangan pang ituro
sa kanila kung paano iplug-in ang photocopying machine. Samahan pa ng pressure sa
team leader na panay remind na “come on guys! we got numbers to meet!” Ang saya
di ba? Parang may humahabol sayo na hindi mo pwedeng iwanan. Kundi lang malaki
ang salary di ko magtyatyaga eh. Buti na lang masarap kasama ang mga kateam ko.
Nakakatuwang marinig ang mga istorya ng buhay nila.
May
license nurse na naligaw dahil walang mapasukang ospital o nag-iipon para
makapag-OJT. May nagtatrabaho para mabigyan ng magandang future ang anak. May
dating English teacher pero may lapses sa grammar. May mga ulirang anak na pag
pay day eh parang hangin na dumaan lang ang pera sa palad. May working student
na parang elementary ang itsura. May mahilig magparty-party kahit puyat. May
senior citizen na, pero hataw pa rin magcalls. Meron namang mukha lang talagang
senior citizen. May mga matinee idol ang dating, bading pala. May nagpapautang
sa nangangailangan na 20 percent ang tubo. May mahilig magtinda nang kung
anu-anu (damit, sapatos, bag, bra, panty, lotion, make up, pabango, baked
goods, chichiriya, lutong-ulam, e-load and many more) na minsan kala mo nasa Divisoria ka. At samu’t
saring mukha na pag nagsama-sama hindi halatang lahat eh may dinadalang
problema.
Ang
office nagmimistulang pabrika ng mga edukadong tao na kung hindi ka sanay,
dudugo ang ilong at tenga mo sa kaka-Ingles habang nakatutok sa computer at
naka-headset na minsan bumubulong ng “Tang ina mo! Ang tanga tanga mo!” habang
nakapindot ang daliri sa mute button. Minsan naman namanhid na lang ang tenga
sa pangmamaliit at pag-aalburoto ng kausap na foreigner sa kabilang line, kaya
idinadaan na lang sa pag-inat at paghikab. Malake naman ang compensation, may
health benefits pa. Yun nga lang para kang bampira na sa pagkagat ng dilim
nagsisimula ang araw. Ayos na rin, ang importante may trabaho, hindi tambay.
Yosi
muna bago uwi. Pantanggal stress.
Minsan
parang gusto ko na maghanap ng ibang work. Bihira kasi kami magkita ng wife ko.
Pag-uwi ko susubo ng kaunting food bago siya pumasok sa bangko tapos tulog na.
Hindi madaling gawing gabi ang umaga para makatulog ng mahimbing. Madalas tulog
pero gising ang diwa. Kaya lutang pa din. Gigising ng hapon, kain ng lunch sa
meryenda. Nuod ng t.v. tapos pipiliting makatulog ulit. Kailangan magpondo ng
lakas. Gigising nang madilim na ang paligid kasabay ng pagdating ni misis.
Maliligo. Mag-aayos. Akap at halik ng saglit, sabay alis. Sweet goodbye ang
tanging iiwan. Buti understanding siya. Kaya lang lately pansin kong ang lamig
ng pakikitungo niya. “Babawi ako sayo Hon!” madalas kong masabi.
Salamat
at malapit lang sa office ang inuupahan namin. Tuwing uuwi ako, natutuwa ako
makita itong bata sa tapat ng bahay namin na palaging nasa bubungan nila dahil
sa pag-aalaga ng kalapati. Hindi basta kalapati kasi pinanglalaban daw yun sa
karera.
Home
sweet home! Teka, ba’t hindi naka-lock ang gate namin? Hindi rin nakalapat ang
pinto? Naku! Hon!
Wala
siya sa sala. Wala sa kusina. Wala sa kwarto. Wala sa banyo! Sabado ngayon,
wala siyang pasok. At pag ganitong weekend naghahanda yun ng masarap na breakfast.
Pero nasan siya? Makalabas nga uli. Baka may binili lang.
Teka
ba’t umiiyak na yung batang nag-aalaga ng kalapati? Mausisa nga.
“Huuu!Huuu!Huuuu!!
hindi na po kasi bumalik yung kalapati ko. Nadagit siguro. Huuuu!Huuuu!”
Patuloy
sa pagnguyngoy ang batang tinanong ko. Hindi ko alam, pero bakit parang gusto
ko na siyang sabayan sa pagnguyngoy. Naalala ko ang kwento ng Lolo ko. Ang
kalapati daw, dapat alagaan nang mabuti para maging batser. Kung hindi, baka
maghanap ng ibang amo…