Miyerkules, Nobyembre 7, 2012

Wikang Karaniwan at Wikang Akademiko




Ang Wikang Filipino tulad ng ibang wika sa mundo ay patuloy na nagbabago tungo sa ikahuhusay at ikatatagumpay sa paggamit nito sa iba’t ibang sangay ng lipunan lalo’t higit sa mga larangan ng kaalaman. Mahaba-haba na rin ang tinahak at tinatahak pa ng ating wikang pambansa upang makarating sa landas ng intelektuwalisasyon at modernisasyon. Sa bawat yugtong tinatahak, samo’t saring usapin at argumento ang lumalabas na tunay namang nakatutulong at nakadaragdag ng kulay sa ating wika. Subalit ang mga argumento at usapin ay madalas na umiikot lamang sa mundo ng mga nasa akademya. Ang pagtrato sa mga usaping pangwika lalo’t higit sa wikang pambansa sa hanay ng mga nasa labas ng akademya (o maging ng mga mag-aaral sa loob) ay hindi itinuturing na mainstream.  
Ayon sa sanaysay ni Pamela Constantino mula sa aklat na Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan (1996), lagi na lang nababanggit na ang wika ay isang kasangkapan. Ngunit ang pagtrato rito ay isa lamang karaniwang kasangkapan, na dahil karaniwan ay nababalewala. Lalo na kapag pinag-uusapan ang wikang pambansa (at hindi banyagang wika): hanggang pang-umpisa o pangwakas na lamang ito sa mga talumpati ng mga opisyal; hanggang pang-araling panlipunan sa eskuwelahan; pang-isang linggo lamang taun-taon kapag buwan ng Agosto; pangkausap sa mga katulong sakaling hindi makausap ng Ingles ang mga ito at walang ambisyong magpunta ng Hongkong, Singapore o Saudi Arabia; at pang-akit sa mga botante sa panahon ng eleksyon maging taga-Cebu o Iloilo pa ang kandidato.
Samakatuwid, nangangahulugan lamang ito na kailangan natin ang puspusang pag-aaral sa wikang dumadaloy sa ating kamalayan at wikang kasangkapan sa lipunan. Ayon nga kay Noam Chomsky, “knowing a language also means knowing how to use that language.” Sa puntong ito, ang wikang karaniwang sinasalita at ang wika ng akademya, ay marapat na bigyang linaw kung paano nagkakaiba, nang sa gayon ay marating nating lahat ang lalim ng wikang salamin ng ating lahi – ang Wikang Filipino.

Ang Wikang Karaniwan
           
Ang esensya ng wika ay panlipunan. Dumadaloy ito sa panlipunang diskurso ng mga taong kabilang sa isang speech community. Naipapahayag natin nang madali at maayos ang mga damdamin at kaisipan dahil sa wikang likas sa dila ng bawat isa.  Nagiging karaniwan ito sa patuloy na paggamit. Ang salitang karaniwan ay maiaangkla natin sa nakamihasnan o popular na ginagamit. Sa kaso ng ating bansa, matagal nang dumadaloy ang lingua franca na siyang ginagamit sa buong kapuluan - ang wikang Filipino. Ang lingua franca ayon kay Ronald Wardhaugh (2006) ay wikang ginagamit sa araw-araw ng mga taong may magkakaibang inang-wika upang sila ay magkaunawaan. Ang wikang Filipino bilang lingua franca ay dumaan sa mahabang yugto ng pagpapanday at tinanggap ng mga Pilipino lalo’t higit ng mga nasa hanay ng masa. Sa dila ng masang Pilipino tunay na masisilayan ang wikang karaniwan o maituturing na popular. Sa mga rehiyon, kahit may umiiral na sariling wika o diyalekto, hindi maitatanggi na karaniwan pa rin nilang ginagamit ang lingua franca upang makaugnay.
Ayon pa kay Pamela Constantino sa kanyang sanaysay na Tagalog, Pilipino, Filipino: May Pagkakaiba ba?, ang pinakaubod ng konsepto ng Filipino bilang batay sa mga wika ng Pilipinas ay ang pagiging pambansang lingua franca nito. Sa pakikipagkomunika ng bawat Pilipino sa isa’t isa lalo na sa mga siyudad, gumagamit siya ng wikang alam din ng kanyang kapwa Pilipino kahit pa meron silang katutubong wika gaya ng Cebuano, Ilokano, Pampango, Tausug, Kalinga atbp. Ang wikang ito ang nagsisilbing pangalawang wika at lingua franca sa bansa.     
Sa isang tipikal na pasalitang diskurso halimbawa sa jeep, mapapansin ang isa pang punto ng wikang karaniwan. Suriin ang pag-uusap ng pasahero at driver:
Pasahero: “Manong! Magkano po Cubao?”
Driver: “Otso lang!”
Kung gagamitin natin sa pagsusuri ang punto de bista ng semantika, lumalabas na tila itinatanong ng pasahero ang halaga ng lugar na Cubao, na binigyang tugon naman ng driver. Ang pagbigay tugon ng driver ay nangangahulugan na nagkaunawaan naman sila subalit lihis sa kahulugang pansemantika.
Iba naman ang karaniwang wika sa kaso ng mga elite o mga nakaaangat sa buhay. Gamitin natin na halimbawa ang artikulong nalathala sa Manila Bulletin noong taong 2011 na naging usap-usapan at nagpataas sa kilay ng ilang maka-Filipino. Isinulat ito ni James Soriano na estudyante mula sa isang pribadong pamantasan. Ayon sa kanya:

Filipino was a chore, like washing the dishes; it was not the language of learning. It was the language we used to speak to the people who washed our dishes... Filipino was the language of the world outside the classroom. It was the language of the streets: it was how you spoke to the tindera when you went to the tindahan, what you used to tell your katulong that you had an utos, and how you texted manong when you needed sundo na.…”

Malinaw sa kanyang pahayag na hindi karaniwan sa kanyang dila ang wikang Filipino. Sa halip, wikang Ingles ang tunay na dumadaloy sa kanyang kamalayan. Kilatisin natin ito nang mabuti dahil marami ang siguradong muling magtataas ng kilay at magbibigay ng komento sa argumentong ito. Ating balikan ang teoryang behaviorist ni B. F. Skinner na nagsasabing ang bata ay ipinanganak na may sapat na lakas at kakayahan na matuto. Ang gawi at kilos ay maaaring hubugin sa pamamagitan ng pagkontrol ng kanyang kapaligiran. Kung gayon, ang mga itinuturing nating elite o nakaaangat sa buhay ay karaniwang sagana sa mga bagay na tutugon sa kanilang pangangailangan at ang wikang karaniwan o popular sa kanilang speech community ay wikang Ingles. Kaya hindi kataka-taka kung ang isang tulad ni James Soriano ay makabuo ng konseptong nakasalig sa kanyang nakamulatan at nakamihasnan. Gayon man, hindi pa rin mawawaglit sa kanilang pag-iral ang paggamit ng wikang Filipino upang umayon sa hinihingi ng pagkakataon at makipag-ugnayan sa kapwa. Ito ay sa kadahilanang higit na nakararami ang masang Pilipino na patuloy na ginagamit ang lingua franca – Wikang Filipino.
Samakatuwid, ipinapakita lamang nito na ang sinasabi nating wikang karaniwan, sa anumang antas ng buhay, ay wikang ginagamit upang madaling magkaunawaan. Ayon sa mga eksperto sa wika, ang tao ay likas na di-malay (unconscious) sa paggamit niya ng wika sa pasalitang anyo, lalo sa kaswal na estilo. Hindi tayo gramatikal kapag nagsasalita. Higit nating pinagtutuunan ng pansin ang paghahatid ng mensahe sa madaling paraan at madaling mauunawaan, tulad na lamang ng halimbawa ng diskurso sa loob ng jeep sa bandang unahan.
            Sa kabuuan, ang pinakatinutumbok ng ating tinalakay na wikang karaniwan ay yaong wika na ginagamit at nauunawaan ng nakararami. Tandaang mas madalas o karaniwan tayong magsalita kaysa sa magsulat.  Kaya’t ang karaniwang wika ay maiuugnay sa pasalitang anyo na nakadepende sa sitwasyong pandiskurso. Ang problema nga lang, karamihan sa atin, kapag nagsulat na ay parang nagsasalita pa rin. Magkaiba ang wika sa pasalita at pasulat na anyo. Gayon man, kapwa nagkikita pa rin ang dalawa sa iisang layunin – ang umugnay.

Ang Akademikong Filipino
            Ang salitang akademya ay may kaugnayan sa mga institusyong pang-edukasyon na haligi sa pagtatamo ng mataas na karunungan. Kasama rito ang iba’t ibang elemento o komponent upang mabuo ito tulad ng mag-aaral, guro, administrador, kurikulum, silabus at iba pa. Bukod sa mga nabanggit, hindi gagalaw ang siklo ng akademya kung walang kasangkapang gagamitin para sa pagkilos nito. Ang wika ay isang kasangkapan sa komunikasyon at maging sa pagbuo ng mga ideya sa ating isipan. Mahalaga ito sa akademya upang maging ganap ang pagtamo sa mataas na karunungan. Sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa ating bansa, anong wika kaya ang makatwiran at marapat gamitin sa akademya?
            Ang tanong na ito ay matagal nang nasagot at nalinaw. Nasa konstitusyon ang patunay na ang wikang Filipino ay opisyal na wikang panturo sa mga paaralan. Bukod pa sa mga pag-aaral na nagpapatunay na ang wikang Filipino ay mabisang gamitin sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
             Ang akademikong Filipino ay wikang ginagamit sa akademya. Kaiba ito sa wikang karaniwan bagamat kapwa mauuri pa rin bilang lingua franca. Kung sa wikang karaniwan ay di-malay (unconscious) ang tao sa paggamit ng wika, sa akademikong Filipino naman ay may malay (conscious) sapagkat pumapasok dito ang mga batas sa paggamit upang maging istandard.  Ang wikang Filipino bilang akademikong wika ay masasabi nating nakatutugon na sa pangangailangang pang-akademiko sa kasalukuyan.  Subalit marami pa rin ang hindi matanggap ang katotohanang ito sapagkat karamihan sa mga Pilipino ay nakikita pa rin ang prestihiyo ng wikang Ingles lalo na sa usaping pang-agham at teknolohiya. Ang problema rito ay hindi ang wika, kundi ang mga taong gumagamit. Mahabang panahon din at ilang yugto tayong napailalim sa pananakop ng ibang bansa, kaya hindi nakapagtataka kung lumabas ang mga panunuligsa ng karamihan sa kakanyahan ng wikang Filipino na magamit sa mataas na antas ng diskurso.
            Ayon kay Vivencio Jose, sa kanyang sanaysay mula sa aklat na Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan (1996), kung gagamitin natin ang Filipino para sa pambansang pagpapalaya, kailangang maging tagapaghatid at tagapagtaguyod ito ng mga ideya, konsepto, teorya, ideyal, layunin at sentimyentong mapagpalaya. Ang wika ay isa lamang sa mga instrumentong ginagamit sa pagpapalaya, hindi ng mga abstraktong tao kundi ng mga buhay at totoong tao... Epektibong magagamit ang Filipino sa loob ng akademya, hindi lamang sa pagtuturo sa lahat ng uri ng komunikasyon kundi sa pamamagitan ng kurikulum at buhay akademya
            Malinaw ang paniniwala ni Vivencio Jose na kailangan ang masidhing hangarin ng bawat isa sa atin na maging tagapaghatid at tagapagtaguyod ng mga kaisipang dumadaloy sa wikang Filipino. Higit na magiging epektibo ang pagkatuto ng mga mag-aaral kung sa wikang alam niya ito matatamo.  
            Sinabi ng isang guro sa PUP na si Ferdinand Nocon sa kanyang sanaysay mula sa aklat na Daluyan (1997) na:
                               Sa aking karanasan, napatunayan kong epektibo talaga ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng matematika at agham sa aking mga mag-aaral. Kapag ginagawa ko ito, 97% ang nakakapasa samantalang 50% lamang kung Ingles ang gamit ko. Isa itong  pagpapatunay na higit na nauunawaan ng masang mag-aaral ang aking ginagawang pagtuturo kung ako ay gumagamit ng wikang Filipino.
Napatunayan na rin sa isinagawang pag-aaral nina Stephen L. Walter at Diane E. Dekker na pinamagatang The Lubuagan Mother Tongue Education Experiment  (Matsura, 2008) sa lalawigan ng Kalinga, na mas mabilis matuto ang mga mag-aaral kapag ang ginagamit ay ang unang wika nila. Sa kanilang kaso, ang wikang Filipino ay nagsisilbing pangalawang wika na ginagamit naman nila sa pambansang ugnayan. Patunay ito sa katotohanang ang sariling wika o inang wika ng tao ang mabisang gamitin sa pagkatuto.
Sa kasalukuyan, malawak na ngang  nagagamit ang wikang Filipino sa akademya. Ayon kay Prop. Rosario Mag-atas sa kanyang sanaysay na Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino (2007), kung pagbabatayan natin ang depinisyon ni Bro. Andrew Gonzales na “ang maunlad na paggamit ng Filipino sa akademya ang tinatawag na intelektuwalisasyon”, masasabi nating nagsisimula na ito. Hindi lamang sa mga mababa at mataas na paaralan ng bansa ginagamit ang Filipino kundi gayon din sa mga unibersidad at kolehiyo. Katunayan, malaganap ang paggamit ng Wikang Filipino sa mga pangunahing pamantasan sa Kamaynilaan. May mga propesor sa UP at PUP ang gumagamit ng wikang Filipino bilang midyum sa pagtuturo ng kanilang mga asignatura. Sa loob at labas ng pamantasan, gamit ng mga mag-aaral ang Filipino.
            Sa pagpasok ng taong panuruan 2012-2013, epektibo na ang paggamit ng unang wika sa pagtuturo sa mga paaralan sa bansa sa bisa ng House Bill 3719. Isa itong magandang hakbang upang magkaroon ng tuwid na landas ang edukasyon sa Pilipinas. Gayon man, kailangan pa rin ang pagtutulungan ng lahat- mula sa akademya, institusyong pangwika, mamamayang Pilipino  at higit sa lahat, ng mga ahensya ng pamahalaan upang tiyak na magkaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon at mapaningning pa ang Wikang Filipino.
             Maraming aklat ang nasa wikang Filipino na, subalit kailangan pa rin ang malawakang pagsasalin sa Filipino ng mga aklat sa iba’t ibang larangan upang hindi mahinto ang pagbabandila ng kaalaman gamit ang ating wika. Dapat magtulungan ang mga alagad ng wika at lahat ng eksperto sa iba’t ibang larangan tungo sa isang pambansang pagsasalin. Hindi kakayanin ng mga nasa hanay ng pag-aaral ng wika ang pagsasalin kung wala ang mga praktisiyuner sa iba’t ibang larangan.  
            Dagdag pa ni Vivencio Jose (1996), kailangang humabol tayo sa mabilis na pag-unlad ng mga bayan at bansa. Karamihan sa mga ito ay nasa pintuan na ng ikadalawampu’t isang siglo. Nahuhuli tayo nang 30 hanggang 50 taon. Kailangang magkaroon tayo ng malakas na pagpapasyang pampolitika (political will) na gamitin ang wikang pambansa sa lahat ng larangan ng ating buhay upang lumaya tayo ng lubusan. Maging makabansang tagapagpalaya tayo, at gamitin at paunlarin ang Filipino bilang mabisang kasangkapan sa pambansang pagpapalaya.
Kung lahat ng ito ay matutupad, tiyak na hahantong ang wikang Filipino sa yugto ng ganap na intelektuwalisasyon at modernisasyon.  
Sa kabuuan, ang wikang karaniwan at akademikong Filipino ay nagkakaiba lamang sa gamit. Mahalagang iugnay ito sa pasulat at pasalitang diskurso nang makita natin ang pagkakaiba. Ipinakita sa aklat ni Jose Arrogante (Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, 2007) ang pagkakaiba ng wikang pasalita at wikang pasulat.

     Pasalita ---------------------------------- WIKA --------------------------------Pasulat

-          May social context na dahilan                                    -   Kadalasan ay ginagawa ng  
sa presensya ng tagapakinig.                                        manunulat habang siya ay
                                                                                        nag-iisa na kinakailangang
                                                                                        mag-imagine siya kung sino
                                                                                        ang kanyang mambabasa.

-          Maaaring magpabalik-balik ang                                -  May tiyak na istrukturang        
nagsasalita sa kanyang sinasabi                                    kinakailangang sundin (linear).
(recursive).

-          Natututunan sa isang prosesong                                - Kadalasan ay natututunan sa
natural na tila walang hirap.                                       paaralan ng mga mag-aaral.

  Ang Wikang FIlipino, karaniwan man o akademiko ay mahalaga hindi lamang sa diskursong panlipunan kundi maging sa mataas na antas ng kaalaman tungo sa pagkakaroon ng matalino, makatao, maunlad at malaya na bansang Pilipinas.

Ang Rehistro na Akademiko at Propesyonal

                Bawat pangkat ng tao ay may kani-kaniyang code na ginagamit sa pakikipagtalastasan. Ito ang nagsisilbing rehistro ng wika nila na espesiyalisado lamang sa kanilang pangkat. Ayon sa pag-aaral ni Ronald Wardhaugh (2006), ang rehistro ng wika ay mga set ng wika na may kaugnayan sa tiyak na trabaho o panlipunang grupo. Ang mga surgeon, piloto ng airline, bank manager, sales clerk, musikero, prostitute at iba pa ay gumagamit ng magkakaibang rehistro.
Ang rehistro ng wika ay bahagi ng pagkakaroon ng barayti at baryasyon ng wika. Ang wika ay panlipunan ang gamit kaya patuloy na dumadaloy sa mga tao na bumubuo sa lipunan. Upang maging malinaw sa atin ang pagkakaroon ng ganitong pangwikang penomenon, hiramin natin mula sa pag-aaral ni Prop. Jomar Cañega tungkol sa Barayti ng Wika ang teoryang Semiotic Triangle ni Ferdinand de Sassurre  – kinikilalang ama ng Lingguwistika sa mundo, upang maunawaan nating mabuti. Ayon kay de Sassurre, ang pagkakaiba ng repertoire na pangwika ng tao ay natatakdaan ng mga sumusunod: Ang sign ay ang mga ideya at konsepto sa utak ng tao, ang signified ay ang katawagang ikinakapit natin sa bawat konsepto at ang signifier ay ang paraan ng pagpapakahulugan sa bawat konsepto. Bawat tao ay may magkakaibang  persepsiyon sa bawat bagay, may magkakaibang karanasan at kinalakihang kombensiyong panlipunan kaya hindi kailan man magiging magkatulad ang kanilang paraan ng pananalita.
            Ang pagkakaroon ng rehistro ng wika ay indikasyon ng pagkakaiba-iba ng mga tao na nagsasalo sa isang lipunan. Dahil dito nagkakaroon ng tinatawag na Jargon na tumutukoy sa mga tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng gawain. Sa panig ng mga nasa akademya, may rehistro silang ginagamit upang magkaunawaan sa iisang layunin. Ito ay makikita sa mga salitang ginagamit nila sa pagtuturo, pagtatalumpati, pagpupulong, pagsusulat ng mga akademikong sulatin, pakikipag-ugnayan at iba pa.
Sa hanay naman ng mga propesyunal, hindi maikakailang nagkikita-kita sila sa iisang wika na may kinalaman sa kanilang propesyon. Tawagin natin itong pampropesyunal na rehistro. Ito ay mga teknikal na salita na tanging mga eksperto lamang ng isang partikular na larangan ang nakababatid. Halimbawa nito ang mga legal jargon ng mga abogado tulad ng court, pleading, hearing, at appeal; at sa hanay ng mga I. T. specialist tulad ng bytes, software, modem, motherboard at iba pa.

Mga Sanggunian:

Arrogante, Jose A. (2007). Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. National Bookstore:  
Mandaluyong City.

Cañega, Jomar I. (2009). Interbensiyong Pulitikal sa Preserbasyon ng Dibersidad Pangwika: Susi sa Rehiyunal, Kultural at Ekonomikal na Pag-unlad. Di-Nalathalang Pananaliksik. Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

Constantino, Pamela C. (1996). Wika Bilang Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa Tungo sa Pangkaisipan at Pang-ekonomikong Kaunlaran nasa Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan, Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, mga ed. University of the Philippines Press: Quezon City

Jose, Vivencio R. (1996). Ang Wika ng Pagpapalaya at Ang Papel ng Akademya nasa Mga Piling
Diskurso sa Wika at Lipunan, Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, mga ed.
University of the Philippines Press: Quezon City

Matsuura, Koichiro. (2008). Komisyon sa Wikang Filipino at UNESCO, Pandaigdigang Taon ng
            mga Wika. Languages Matter.

Nocon, Ferdinand (1997). Ang Paggamit ng Wikang Filipino sa Pagtuturo ng Agham at
Matematika sa Information Age nasa Daluyan. Sentro ng Wikang Filipino: Quezon City

Rosales, Amalia C. (1998). Ang Wikang Filipino sa Akademya. Talumpating Binigkas sa Pambansang Panayam ng Sanggunian ng mga Guro sa Filipino (SANGFIL) sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sta. Mesa, Maynila.

Rubrico, Jessie Grace U. Sociolinguistics: Society and Language nasa http://www.
languagelinks.org/onlinepapers/onlinepapers.html

San Juan, Gloria et al. (2007). Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Grand Water Pub:
Makati City.

Wardhaugh Ronald. (2006). An Introduction to Sociolinguistics. Blackwell Publishing: USA.

3 komento:

  1. Napakaganda ng nilalaman at talaga namang magagamit ng mga estudyante sa mga dagdag pang impormasyon sa pag-aadvance ng mga lesson para sa subject na filipino

    TumugonBurahin
  2. Bravo Sir Joms.

    TumugonBurahin
  3. Maraming salamat. Nakatulong talaga ito ng malaki sa akin.

    TumugonBurahin