Gigibain kita
sa tinta ng aking haraya
sa kuko ng aking pluma
ibabaon ko ang talim ng salita
sa tinta ng aking haraya
sa kuko ng aking pluma
ibabaon ko ang talim ng salita
hanggang
madama mo
ang matinding
sumpa ng sikmura.
Wawasakin
kita
sa lente ng aking mata
sa pintig ng dugong makabansa,
sa lente ng aking mata
sa pintig ng dugong makabansa,
iguguho ko
ang ideolohiya
ng iyong
kapangahasang
lumalatay sa
utak ng sambyanan
na nabaon sa
kamangmangan.
Pupuksain
kita
sa mga imahen
at retorika,
sa mga dalit
at tanaga
babaligtarin
ko
ang
estruktura ng kapangyarihan
nang
masilayan mo
ang dayukdok
na mundo
sa
kailaliman.
Ikaw na
bumalangkas
sa
pamantayang unibersal
ng mga uring
hangal
ihanda ang
espiritu ng katawan
sa himutok ng
mga kaluluwang pagal
sa anumang
sandali'y gigimbal
sa mga templo
ninyo't kalangitan
nasa anyo ng
sining
ang
tiim-bagang sandata
ng mga walang
lakas at hininga.
Hindi mauubos
ang mahika ng salita
sa
pagpapalaya
hindi
kailanman mawawala ang bisa
ng kalamnan
ng isang akda
ang bawat
paggiba ay pagbuo
ang bawat
pagwasak ay paglikha
ang bawat
pagpuksa ay pagbuhay
makapangyarihan ang talinghaga ng salita
makapangyarihan ang talinghaga ng salita
upang
kumislot ang damdamin
hanggang
magkamalay
tungo sa
pagbuo ng isang simula
matapos ang
isang digma.