TINIPON ni Mang Berting ang mga nakolektang kalakal. Pinagsama-sama ang magkakauri. Bote, bakal, samo't saring bagay na gawa sa plastik at ang pinakamahalaga - piraso ng tabla't kahoy. Napangiti siya sa dami ng tablang nalikom sa ilang araw na pangangalakal. Mabubuo na niyang muli ang dampa na sinira ng bagyo.
Matipid siya sa ilang pakong nahugot sa mga gamit nang kahoy na kanyang napulot. Buti na lang at may mga tali siyang naitabi na magkakaiba man ang sukat para sa kanya'y pampatibay. Hindi niya kailangang maging metikuloso sa paggawa ng bahay. Walang halaga ang metrong panukat sa dangkal ng kamay. Walang halaga ang lagareng pamputol dahil hindi na kailangang magputol. Walang halaga ang martilyo sa batong buhay na pamukpok. Hindi kailangan ng blueprint sa talas ng kanyang mata sa pagtantya. Ang mahalaga may masisilungan.
Nagsimula ang pagpukpok. Pinagtagni-tagni ang tabla sa nabuong kalansay na kahoy. Buti na lang at itinira ng bagyo ang dalawang kalawanging yero. Natapos ang araw at nagawa ang kanyang dampa. Sapat na ang tibay ng sapin-saping tabla para magkaroon ng panangga at makapagpahinga sa buong madamag. Maya-maya pa'y namayani ang paghilik sa dilim.
GINISING si Mang Berting ng ingay ng mga nagmamadaling paa at umaangil na tunog. Naalala niya ang nagdaang bagyo. Subalit walang hangin o ulan sa umagang iyon. Nagtaka siya. Papalapit nang papalapit ang umaangil na tunog. Nagngangalit. Nagsisigawan ang mga kapitbahay. Sigaw ng pagmamakaawa ng mga ina. Sigaw ng pagtatanggol ng mga ama sa piranggot na espasyong inari nila. Sigaw ng luha ng mga paslit na walang muwang sa kanilang daigdig.
Papalapit nang papalapit ang nagngangalit na angil. Pupungas-pungas niyang iniangat ang kanyang katawan. Tumingala. Nasilaw sa sinag ng araw na nakasilip sa butas ng yero. Bigla na lang niyang naramdaman ang pagbagsak ng mga tablang itinuring niyang panangga sa anumang banta ng kalikasan. Hindi niya napaghandaan ang banta ng makinang panggiba. Pira-piraso na lang ang binuo niyang dampa.