Matapos magpunas ng diyaryo,
itinaas niya ang kanyang shorts. Ibinuhol ang plastic bag na pinagpatakan ng
tae. Pumunta siya sa likod-bahay. Inihagis sa ilog ang dumi. Agad siyang
lumabas ng bahay at tumungo sa palengke bitbit ang isang salansan ng plastic
bag. Ilalako niya ang mga iyon.
Mahalaga kay Nene ang plastic.
Tulong niya sa kanyang ina na labandera ang kinikita niyang barya sa paglalako
niyon. Higit sa lahat, doon nila ipinapatak ang latak ng ampaw nilang sikmura.
Iyon ang kanilang magic inidoro.
Tuloy siya sa paglalako. "Plastik! Plastik po kayo dyan Mam!
Ser!"
Matumal ang benta ngayon. Buti
pa ang plastic hindi pinapawisan at nangangawit. Kaya naisip niyang umupo muna
sa bangketa. Hindi niya mabilang ang mga taong nagdaraan sa harap niya.
Tumingala siya. Inaninaw ang langit. Napukaw ang atensyon niya ng isang matingkad
na dilaw na karatula sa poste sa kabilang kalye. Napakunot ang noo. Hindi niya
maunawaan. May napansin siyang larawan ng lalaki sa karatula. Hindi niya
kilala. Tinitigan
niya.
CITY
ORDINANCE SP-2103
Bawal
ang Plastic