Manghang-mangha
ako tuwing titiklop ang dahon ng makahiya. Tuwang-tuwa akong paglaruan ‘yon.
Misteryo sa ‘kin ang galaw n’un tuwing masasagi ng daliri ko o kahit ng
malakas na hangin. Parang katawan ko na tumitiklop ‘pag kinikiliti ni Itay
Ilang
araw ko na ring kalaro ang makahiya. Hindi naman bakasyon, pero madalas ako sa
tapat ng bahay namin. Wala kasing pambaon sa iskwela. Kaya naglilibang na lang.
Inaabot at tinatanaw ang mga makahiya kasama ng mga damo, doon sa loob ng bakod
na rehas. Pag-aari raw ng gobyerno ang kabila ng bakod na ‘yon minsang sabi ni
Itay.
Nagtataka
nga ako na tumubo ang mga makahiya sa pulang lupang mabato na sagana sa basura.
Siguro dahil sa basura, sumusustansya ang lupa kaya maraming damo at makahiya.
Iyon kasi ang likuran na nagsisilbing tambakan ng basura ng isang puting
building na nasa gitna ng bakuran na ‘yon. Du’n daw sa building na ‘yon
dinadala ang mga ballot box ‘pag panahon na ng botohan. At ‘yon naman ang tapat ng bahay namin. Bakod
na rehas lang ang namamagitan.
Sa
rehas na ‘yon din nagsasampay ng labahan si Inay at du’n din ako humahawak sa
pag-abot ko sa mga makahiya.
Pero
isang umagang himas-himas ko ang rehas habang pinagmamasdan ang mga makahiya sa
bakuran na ‘yon, narinig ko ang pagdakdak ni Aling Iming sa tapat ng bahay
namin. Hindi raw maayos ang nilabhan ni Inay. Hindi raw mabango. Hindi raw
nilagyan ng Downey. Hindi raw malinis. Hindi raw sulit ang ibinayad niya. Hindi
na raw siya magpapalaba ulit. Hindi na, hindi na, at marami pang hindi.
Nakita
ko si Inay, hindi nagsasalita. Nakatungo. Parang makahiyang tumiklop sa hipo ng
maingay na boses. Pero hindi siya nakiliti.
Hindi,
hindi ko mahagilap ang pagkamangha sa kalagayan na ‘yon. Doon ko naisip, hindi
rin pala masayang paglaruan ang makahiya.