Huwebes, Disyembre 26, 2013

Ang Banta ng mga Bantas

hindi mahagilap ang
tuldok
ni hindi magawang
iputok
ang tinta sa dibdib
upang pahintuin
o kahit antalain
ang masaklap
na kahulugan
ng mga salita

kumakaway
ang kuwit
parang
nangangalabit
ng panandaliang
sagot
sa walang
katapusang
pagtutuwid
ng dahilang
gusot, masalimuot

ipinapaalala ng
padamdam na pananda
na magtanda:
na sumusuka
ng mga ponema
ang dila
para sa isipang batid
ang pagkakaiba
ng wasto sa tama

isang kilong
tandang pananong
ang inihahain
ng mga pagkakataon
bakit may kasamang
tuldok ang
kalawit sa tanong
nakasabit, nakabitin

kailangan bang
tumingala sa langit
pagkat ikinukubli
ng kudlit
ang kahulugang
itinago, naglaho
ang silbi’y winaglit

nagbabanta
sa gunita
ang mga bantas
inihahanda
ang paggiba
sa dibdib
ng mga salita
nangungusap
na ang luha
sa mga talata
tutuldukan pa ba

ang paglaya?

Sabado, Agosto 3, 2013

Road Widening

Sinasakop ng semento't graba
ang mapulang putik na kalsada.
Palapad nang palapad ang daan,
samantala, paliit nang paliit 
ang aming puwang na gagalawan, 
sa kinongkretong lansanga't 
pinalitadahang tahanan

Miyerkules, Marso 20, 2013

MAKAHIYA


Manghang-mangha ako tuwing titiklop ang dahon ng makahiya. Tuwang-tuwa akong paglaruan  ‘yon.  Misteryo sa ‘kin ang galaw n’un tuwing masasagi ng daliri ko o kahit ng malakas na hangin. Parang katawan ko na tumitiklop ‘pag kinikiliti ni Itay
Ilang araw ko na ring kalaro ang makahiya. Hindi naman bakasyon, pero madalas ako sa tapat ng bahay namin. Wala kasing pambaon sa iskwela. Kaya naglilibang na lang. Inaabot at tinatanaw ang mga makahiya kasama ng mga damo, doon sa loob ng bakod na rehas. Pag-aari raw ng gobyerno ang kabila ng bakod na ‘yon minsang sabi ni Itay.
Nagtataka nga ako na tumubo ang mga makahiya sa pulang lupang mabato na sagana sa basura. Siguro dahil sa basura, sumusustansya ang lupa kaya maraming damo at makahiya. Iyon kasi ang likuran na nagsisilbing tambakan ng basura ng isang puting building na nasa gitna ng bakuran na ‘yon. Du’n daw sa building na ‘yon dinadala ang mga ballot box ‘pag panahon na ng botohan.  At ‘yon naman ang tapat ng bahay namin. Bakod na rehas lang ang namamagitan.
Sa rehas na ‘yon din nagsasampay ng labahan si Inay at du’n din ako humahawak sa pag-abot ko sa mga makahiya.
Pero isang umagang himas-himas ko ang rehas habang pinagmamasdan ang mga makahiya sa bakuran na ‘yon, narinig ko ang pagdakdak ni Aling Iming sa tapat ng bahay namin. Hindi raw maayos ang nilabhan ni Inay. Hindi raw mabango. Hindi raw nilagyan ng Downey. Hindi raw malinis. Hindi raw sulit ang ibinayad niya. Hindi na raw siya magpapalaba ulit. Hindi na, hindi na, at marami pang hindi.
Nakita ko si Inay, hindi nagsasalita. Nakatungo. Parang makahiyang tumiklop sa hipo ng maingay na boses. Pero hindi siya nakiliti.

Hindi, hindi ko mahagilap ang pagkamangha sa kalagayan na ‘yon. Doon ko naisip, hindi rin pala masayang paglaruan ang makahiya.

Miyerkules, Marso 6, 2013

Burgis na Tambay

Sa labas ng bahay:

    Adidas ang t-shirt
    Levis ang pantalon
    Nike ang sapatos
    Zagu’ng iniinom

Ang loob ng bahay:

    walang damit ang bubong
    walang sapin ang dingding
    ni ilaw na maningning
    Nawasa’ng iniinom 

Nasaan


Noon,
saan matatagpuan
ang punong mangga?
Hitik sa bunga’t
may malalagong sanga,
nagkaloob ng lilim
sa aming pamilya.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Saan matatagpuan
ang talahiban?
Nagmistulang ulap
na nagkanlong
sa aki’t
naging palaruan.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Ngayon,
saan matatagpuan
ang aming dampa?

Wala na,
giniba
sa tapat ng talahiba’t
punong manga.
Binuldoser
Binura

Iba't Ibang Tanaga

Grave Shift
nilalamon ng hikab
matang di makakurap
bumigay ang talukap
sinesante't binulag


Kapeng Barako
nabigla sa paghigop
dila'y tila tumiklop
sa tapang ng barako
tumili ng mapaso

Saging na Saba
binalata't nilaga
nakinabang ay iba
hinati ang 'yong puso
nagpabaya ang puno


Langit at Lupa
sabi niya ay "langit"
pagdidiin at pilit
ang taya ay nagalit
lupa nila'y nailit

Relief Goods
matuto raw maghintay
'pagkat sila'y mahirap
tiya'y di makahintay
rebolusyo'y sisiklab

Umasa
'sing talas ng talahib
sumusugat sa dibdib
lumalatay sa isip
ang pangakong kinipkip

Sabik
malalaki ang hakbang
ng paa kong namanhid
ang tsinelas kong asam
hindi man lang nanabik

Habilin
'sang pakete ng gata
'yung pulbos na di piga
pag-uwi'y walang dala
sarili'y nasangkutsa

Stress
kumapal na ang eye bag
sa pagpiga sa utak
tinutunton anng linya
nangingitim ang mata

Katabi
isang dipa ang puwang
walang laman ni gatlang
di mapunan ang patlang
walang namamagitan



Miyerkules, Enero 9, 2013

PLASTIK

Matapos magpunas ng diyaryo, itinaas niya ang kanyang shorts. Ibinuhol ang plastic bag na pinagpatakan ng tae. Pumunta siya sa likod-bahay. Inihagis sa ilog ang dumi. Agad siyang lumabas ng bahay at tumungo sa palengke bitbit ang isang salansan ng plastic bag. Ilalako niya ang mga iyon. 
Mahalaga kay Nene ang plastic. Tulong niya sa kanyang ina na labandera ang kinikita niyang barya sa paglalako niyon. Higit sa lahat, doon nila ipinapatak ang latak ng ampaw nilang sikmura. Iyon ang kanilang magic inidoro. 
Tuloy siya sa paglalako. "Plastik! Plastik po kayo dyan Mam! Ser!" 
Matumal ang benta ngayon. Buti pa ang plastic hindi pinapawisan at nangangawit. Kaya naisip niyang umupo muna sa bangketa. Hindi niya mabilang ang mga taong nagdaraan sa harap niya. Tumingala siya. Inaninaw ang langit. Napukaw ang atensyon niya ng isang matingkad na dilaw na karatula sa poste sa kabilang kalye. Napakunot ang noo. Hindi niya maunawaan. May napansin siyang larawan ng lalaki sa karatula. Hindi niya kilala. Tinitigan niya. 

CITY ORDINANCE SP-2103
Bawal ang Plastic

Biyernes, Nobyembre 30, 2012

RANCHO

Puno ng pananabik pero parang may super typhoon sa dibdib, sa unang araw ng pagiging teacher.  Sa pagbaba ko ng jeep, bumungad sa akin ang naghuhumindig na arkong bato.
                     WELCOME TO STO. NIŇO TOWN PROPER 
Nagtanong ako sa isang ale.  Itinuro sa akin ang direksyon papunta sa papasukan kong pamantasan.  Dalawang kanto lang daw mula sa kinatatayuan namin makikita ko na agad at katabi ‘yon ng community hospital.
Sinunod ko ang sabi n’ung ale.  Dalawang kanto ang nilagpasan ko at nasa tapat na nga ako ng isang maliit na ospital.
Naghanap ako ng gate.  Wala.  Naghanap ako ng bakod na maaaring palatandaan ng isang pamantasan.  Wala rin.  Napansin kong walang bakod at gate maging ang ospital.  Hindi yata uso sa kanila.  Binaybay ko ang gilid ng ospital.  Nakakita ako ng ilang estudyante.  Nagtanong ako.  Itinuro nila ang pinapasukang pamantasan na nasa gawing kanan ko pala.
Nagbanggaan ang kilay ko sa pagtataka.  Hindi ganito ang inaasahan ko. Tanging isang mahabang hilera ng silid na gawa sa plywood.  Bahagyang nalililiman ng dalawang puno ng narra.  Walang bintana.  Pintuan at maliit na siwang sa itaas at ibaba ng dingding ang tanging daluyan ng hangin.  Sa bilang ko, may labing-limang pintuan. May nakalagay na letrang “R” at numero sa bawat pinto.  Lumapit ako sa R7.
“’Yan po ang rancho.  Tawag sa room namin.”  Nakangiting sabi ng nasa likod kong estudyante na pinagtanungan ko.
Natanaw ko ang loob ng room.  Sabog ang boses ng nagsasalitang propesor. Dinig ko rin ang nagle-lecture sa mga kadikit na room.  May isang stand fan sa harapan pero kanya-kanyang paypay ang mga estudyante.  Wala kasing kisame.  Dama ko mula sa labas ang ibinubugang init ng silid.  Naalala ko ang init ng oven ng Mulawin Hot Pandesal ‘pag binubuksan ng suki kong tindera sa Sta. Mesa. Pero hindi amoy pandesal ang ibinubugang init.  Naging malinaw na sa akin ang sinabi ng estudyante. 
Inulan ako ng pawis.  Nag-alangan.  Parang gusto kong umatras.  ‘Yung super typhoon kanina sa dibdib ko, eh nadagdagan ng magnitude 8 na lindol.  Dito ako nadestino nang mag-apply sa main campus sa Maynila.  Bagong graduate ako at nangangailangan ng faculty na magtuturo ng literature.  At dahil kailangan ko nang pakinabangan ang inaral ko, at may pangangailangan din na matustusan ang bisyo ng tiyan, kahit maliit lang ang per hour na rate ko, na ayon din sa academic head na nag-interview sa akin ay abnormal ang hindi ma-delay ang sahod,  tinanggap ko na.  Dahil wala naman na akong choice.  Pero nakalimutang banggitin sa akin ang tungkol sa rancho.
Lumabas ang prof sa R7.  Nagmamantika ang mukha.  Parang crinkles na binudburan ng asukal ang buhok dahil sa chalk.  Pero nakangiti pa rin ang labing natuyuan na ng laway.
Huminga ako nang malalim.  Kung may oras pa, magyo-yoga muna sana ako, pantanggal stress.  Gusto ko rin sanang tumawag ng saklolo para masagip sa sakuna ang dibdib ko.  Ngunit hindi na uubra, dahil wala na akong choice, bawal na umatras.   
Pumasok ako sa room.  Lalo kong nadama ang init at kaba.  Inilapag ko ang bag sa silya at pinulot ang tirang chalk na nasa mesa.  Tumalikod sa klase.  Masakit sa tenga ang pagkiskis ng chalk sa magaspang na blackboard.  Bago ko matapos isulat ang pangalan ko, naputol ang chalk.  Yumukod ako para pulutin ‘yon.  Saglit na napako ang tingin sa nakapintang pangalan sa likod ng silyang pinagpatungan ko ng bag.
Donated by Mayor Gabriel Sto Niňo

 Tumindig ako at itinuloy ang pagsusulat.  Tiniis ang sakit sa tenga ng pagkiskis sa blackboard ng tirang chalk na putol.

Martes, Nobyembre 6, 2012

Multo


Parang atungal ng makina ng jeep na natuyuan ng gasolina na pilit pinagagana ang namamayani sa barong-barong nila Utoy. Umaangat ang ulo't katawan ng kanyang ina sa sunod-sunod na pag-ubo.

Kinikilabutan siya sa galaw ng mga anino na likha ng kandilang nagpapanatili sa maputlang liwanag sa paligid. Araw ng mga patay kaya lalo siyang natatakot.

Lumilikha ng ibat ibang anyo ang mga anino sa kanyang paningin. Parang may malilisik na mata at matutulis na kuko ang nakikita niya. Nakamasid siya sa paligid. Lumapit sa ina na nakaratay sa banig. Patuloy pa rin ang pag-atungal ng dibdib.

Naramdaman niya sa pisngi ang pagdikit ng magaspang na kamay. " 'wag.. ka.. matakot Toy.. magdasal.. ka lang" Lalong tumindi ang namamayaning tunog.

Biglang may tumalsik sa braso ni Utoy. Kulay pula. Pakiramdam niya, nilalamon na sila ng mga anino.
Isang malalim at mahabang paghabol sa hininga ang narinig niya. Ilang saglit pa, wala nang namamayaning atungal ng dibdib. Napalitan ng palahaw ng iyak.

Wala na nga ang mga anino. Subalit nananatili sa kanyang katawan ang anino ng kahirapan, ang multo ng karukhaan.

Selebrasyon


Malamig ang hanging dumadampi sa balat niya. Madalang ang taong naglalakad sa tinatahak niyang daan. Pasado alas nuwebe na. Nag-overtime na naman siya sa opisina.

Binilisan niya ang kanyang mga hakbang. Malamlam ang liwanag na nagmumula sa ilang street light. Tumatayo ang kanyang balahibo sa mga nakatirik na kandila sa bawat bahay sa kalyeng iyon. November 1 ngayon kaya hindi niya maiwasang matakot.

Isang hakbang na lang nasa tapat na ng gate nila si Shiela. Nagtaka siya. Nakabayad naman na sila sa Meralco pero bakit walang ilaw ang bahay. Binuksan niya ang gate. Bakit parang walang tao? Nasaan ang mommy at daddy niya? Mula sa bintana naaninaw niya ang aandap-andap na liwanag. Tumindi ang nararamdaman niyang kaba.

Kinuha niya ang susi ng pinto sa kanyang bag. Nanginginig ang kamay. Ilang ulit na sinubukang ipasok ang susi sa door knob habang palinga-linga sa paligid. Sa wakas nabuksan rin. Bahagyang umingit ang pinto. Mula sa kinatatayuan, natanaw niya ang kandilang nagbibigay ng bahagyang liwanag sa sala ng tahanan nila. Balot pa rin siya ng kaba at takot. Humakbang siya nang isa. Pakiramdam niya may mga matang nakatitig sa kanya mula sa dilim na hindi abot ng liwanag ng kandila.

Malamig ang hanging dumadampi sa balat niya mula sa likuran. Kinilabutan siya. May kung anong tumutulak sa kanya upang pumasok. Hahakbang sana siya paatras pero huli na ang lahat. Biglang nagliwanag. Tumambad sa paningin niya ang nakangiting mukha ng mga matang nakatitig sa kanya. Sabay-sabay na nagsalita nang may kagalakan. "Happy birthday Shiela!!" Naiyak siya sa takot at tuwa.

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Ang Power ng Click


Log in
Click
1 notification
Click
You were tagged in Juan Simon Ibarra’s Photo
Click
Larawan ng computer na nakakadena
“no to cybercrime law!”
1, 450 comments
2, 098 likes
Click
2, 099 likes

1 notification
Click
Leo Basi commented on your photo
Click
Leo Basi: itigil ang paninikil sa kalayaan sa pagpapahayag!
Click
8 likes

1 notification
Click
Cris Pineda commented on your photo
Click
Cris Pineda: Tomo! J

1 message
Click
Marie Claire Damaso
Click
Marie Claire Damaso : “sir thanx po sa pag-accept!”
Reply
Click
Jose Gonzales Crisostomo: “walang anuman!”
Click
Your message has been sent

1 notification
Click
Juan Simon Ibarra commented on his photo you were tagged in
Click
Juan Simon Ibarra: mga tol ingat tayo sa pag-comment at pag-like baka makulong tayo sa cyberspace jail! Lolz!

Home
Click
What’s on your mind?
Click
Jose Gonzales Crisostomo: makapangyarihan ang salita, nakawawasak, nakalilikha, nakapagpapalaya.. pag-aralan pa ang batas!
Click

1 notification
Click
Ako si Elias commented on your status
Click
Ako si Elias: nice one sir! \m/
Like
Click

1 message
Click
Pedro Salvi
Click
Pedro Salvi: “sir, be careful with your words. As you said, power is productive and yet it is destructive. But keep in mind that power is always in the hand of dominant elite.. Tc!”
Reply
Click
Jose Gonzales Crisostomo: “salamat po sa pag-remind niyo sir! Pero nakita ko po kasi sa wall yung what’s on your mind, nagkataon po na yung pinost ko ang nasa isip ko that time.. saka linawin ko lang po, hindi po palaging nasa panig ng elite ang power. Kasi ang power ay umiiral sa social exchange at sa lahat ng entity ng tao. Pag ang api o maliit na uri ang nakakuha ng power dahil sa pagsikil sa kanya ng mga nasa poder ng power, delikado. Baka magrebolusyon… hahaha joke lang po sir! Ang seryoso naman natin masyado.. lol!
Click

1 notification
Click
Ako si Elias commented on your photo
Click
Ako si Elias: omg! Bat nawala lahat ng comment? Pati likes nag-zero.. wtf!

1 message
Click
Pedro Salvi
Click
Pedro Salvi: “ok whatever! I just warned you”

Home
Click
New Stories
Marie Claire Damaso: ang lalaking nakaw-tingin, pag lumapit sa akin,
                                        hindi na patatakasin.. hahaha Booom! :p
                                    3 likes
                                    2 minutes ago

Cris Pineda shared a link
                                 To my dear mother.. I miss you mama
                                 www.youtube.com/#hnhn%352000nndf/
                                 bohemian rhapsody 
                                 0 likes
                                 3 minutes ago

Juan Simon Ibarra: sa mga nag-comment at nag-like sa photo na nagpapakita ng pagtutol natin
         sa cybercrime law, mag-log out na kayo… hindi ko alam bat nabura lahat ng   
         comment at likes.. saka nagha-hang yung computer ko.. gtg!
         0 likes
         5 minutes ago
                                                
                                                  Loading ……………             
Home
Click
Loading….

Click
Click
Loading….

Click
Click
Click
Not responding….

Log out
Click
Not responding….

Close
Click
Not responding….

Cntrl, alt, delete
Block out
Blue screen

Power button
Tick
Power Shut down



A-Kinse



Dumukot siya sa kanang bulsa habang nakaupo. Nakapa ang lighter at bottle opener. Dumukot siya sa kaliwa. Bahagyang kumalansing. Sinalat ang nakapa. Dinakot. Inilabas. Bumungad ang bente pesos at tatlong baryang mamiso. Naalala  niya ang habilin na pasalubong ng anak. ‘Yung pink na tinapay sa bakery malapit sa palengke. Napangiti siya. Akinse ngayon, at siguradong makapagpapasalubong siya sa anak at makababayad na ng utang ang kanyang misis. Ibinalik niya sa kaliwang bulsa ang hawak na pera. Agad niyang nilagok ang isang baso ng tubig sa lamesa sa quarters ng mga empleyado. Tapos na ang break niya. Ilang oras na lang, makukuha na niya ang sahod sa opisina ng manager. Tumayo na siya at dumeretso sa dining area kung saan siya nakatoka para mag-serve sa mga customer.

Halatang ganado siyang magsilbi. May gilas ang kanyang mga galaw habang hawak ng isang kamay ang tray. May kasamang ngiti ang pagse-serve niya. Paroo’t  parito sa bar at dining area. Paspas magtrabaho sa dami ng mga order. Maya-maya pa’y sinipat niya ang main door. Madilim na sa labas. Tinanaw niya ang wall clock sa bar ng restaurant. Sakto, alas otso na. Tinapik niya sa balikat ang nakasalubong na kasamahan.

“Brad, out na ‘ko! ‘kaw na bahala sa pwesto ko. Wala na ‘kong pending na order.” Tumango ang kausap. Agad niyang tinahak ang daan patungo sa manager’s office.   

Kumatok siya sa nakabukas na pinto. Bumungad ang may katabaang lalaki na nakaharap sa computer.

“Sir magandang gabi po!”

Lumingon ang nakasalaming lalaki saka tumango. Tumuloy siya sa loob. Binuksan ng lalaki ang drawer sa ilalim ng computer. Kumuha ng isa sa mga nakasalansang sobre. Pumihit ito paharap sa kaniya habang nakaupo sa computer chair.

“Mr. Dela Cruz?” pagtitiyak sa kaniya ni Mr. Ling na namamahala sa restobar.

“Ako nga po sir.” Saka iniabot sa kaniya ang sobre. Nanibago siya. Parang medyo makapal ang sobre kumpara sa nakasanayan niya sa mga lumipas na akinse at katapusan. Pagtataka ang naramdaman niya.

Tumindig si Mr. Ling at tinapik siya sa balikat. “Isinama ko na dyan ang back pay mo.”

Nagulat siya. Bago pa man makaimik ay itinuloy ni Mr. Ling ang sasabihin.

“Pasensya ka na, kelangan ko magbawas ng tao. Nagkataong isa ka sa mga paso na ang kontrata…”

Hindi na niya marinig ang mga sumunod na salita ni Mr. Ling. Gumuhit sa kaniyang alaala ang naghihintay sa kaniyang pag-uwi na asawa’t anak. Makababayad na nga sila ng utang. Mauuwian na rin niya ng pink na tinapay ang anak. Napatungo siya. Hindi na nakaimik. Napatitig sa hawak na sobre. Ito na pala ang kaniyang huling akinse.



Huwebes, Oktubre 11, 2012

HASLER


Mataas ang talsik.  Naghiwa-hiwalay sa ere ang mga teks.  Umiikot paitaas ang bawat isa.  Sumunod ang mga matang nakaabang.  Nakabungisngis si Ebet.  Kunot-noo si Neneng.  Nakanganga si Inan.   Magkakasunod ang paglapag sa kalsada ng Kalinisan Street.  Nakamata ang magkakalaro sa mga teks.  Nakataob ang dalawang pamato samantalang si Superman ang tanging nakitang karakter.
Nagbunyi si Ebet  “hahahaha!  Sabi ko sen’yo eh, ako ang kakamig ng taya n’yo! Kelangan pa bang imemorays ‘yan?”
Kinuha niya ang tig-isang dangkal ng teks ng dalawang kalaro na nakalapag sa kalye.
“’Yoko na. Ubos na teks ko. Tsaka ang hasler mo, eh.”  sabi ni Inan.
“Wala!  Ang duga mo naman.  May daya pamato mo kaya laging tsumatsaya. Nakita ko nga, eh.  Tsaka ang epal-epal mong kalaro.  ‘Pag kami titira ginugulo mo kami. Ta’s ‘pag ikaw naman titira, pinapalitan mo pamato mo.  Ang epal mo talaga!” Reklamo ni Neneng na lalong nagpahaba sa nguso nito.
“Nakita mo?  Nakita mo?  Sa’n banda?  May ebidensya ka ba?”  pabulyaw na tugon ni Ebet habang nilalakihan ng mata ang kalaro.
“Walang daya yun ah!  Patas ako lumaban.  Tsaka pinagbigyan ko nga lang kayo, eh dapat kanina pa kayo said.  Diskarte lang ‘yan sa pagpitik ng daliri.  Palibhasa mga shushunga-shungang bata kayo eh”  Pangungutya niya habang hawak ang mga teks na nakadikit na sa dibdib dahil sa dami.  Dangkal-dangkal niya ang mga iyon.
“’Sensya na.  Olats kayo.  Hehe!  Sarap magbilang.  I…sa, da…la…wa, tat…lo, a…pat, li…ma, a…nim, pi…to, wa…lo, si…yam, sam… “ 
Naudlot ang pagbibilang.  May parang bumalya sa kanya.  Sumambulat ang dangkal-dangkal na teks.    Parang umulan ng confetti.  Kumalat sa kalye.  Pasunggab na pumulot ang dalawang kalaro.  Nagtakbuhan din papalapit ang iba pang mga bata sa paligid.  Hindi magkaintindihan sa pagpulot.
Tiningnan niya ang bumangga sa kanya.  Nakasuot ng pulang chaleko na may mukha ni Mayor.  Parang pamilyar sa kanya.  Bago tuluyang makalayo nilingon pa siya nito.  Nagtaka siya.  Bakit tumatakbo palayo ang tatay niya?  Karaniwang ang tatay niya ang nanghahabol ng mga kriminal sa kalye ng Kalinisan.
Isang kilalang boses ang sunod na narinig niya.  Humahangos habang nagmumura.
“’Tang ina ka Edilberto!  Hayup ka!  Hindi ka pa rin nagbabago!  Tatanggalan kita ng batuta, gago!”  Nanggagalaiting sigaw ng kanyang inang lakad-takbo.
Hindi niya alam ang mararamdaman.  Hahabulin ba ang ama?  O pipigilan ang ina?  Eh, paano na ang mga teks niya?  Ang pagbubunyi.ay naglaho.   
Binasag ni Neneng ang kanyang pagkalito.  Kinuha ang kamay niya. Nakangising may inilapag sa palad.
            “Oh ‘yan!  Kawawa ka naman, eh sayo na ‘tong pamato mo.  Hasler!”
Nabuking ang lihim.  Larawan ni Superman.  Kabilaan.
Walang likod ang pamato.

Martes, Setyembre 18, 2012

Ang Diary ng Modernong Call Boy



Nakakapagod ang araw na ‘to. Naka-100 na calls siguro ko. Dagdagan pa ng mga irrate na Kano, na feeling pag-aari ka nila, na tatanga-tanga dahil kailangan pang ituro sa kanila kung paano iplug-in ang photocopying machine. Samahan pa ng pressure sa team leader na panay remind na “come on guys! we got numbers to meet!” Ang saya di ba? Parang may humahabol sayo na hindi mo pwedeng iwanan. Kundi lang malaki ang salary di ko magtyatyaga eh. Buti na lang masarap kasama ang mga kateam ko. Nakakatuwang marinig ang mga istorya ng buhay nila.

May license nurse na naligaw dahil walang mapasukang ospital o nag-iipon para makapag-OJT. May nagtatrabaho para mabigyan ng magandang future ang anak. May dating English teacher pero may lapses sa grammar. May mga ulirang anak na pag pay day eh parang hangin na dumaan lang ang pera sa palad. May working student na parang elementary ang itsura. May mahilig magparty-party kahit puyat. May senior citizen na, pero hataw pa rin magcalls. Meron namang mukha lang talagang senior citizen. May mga matinee idol ang dating, bading pala. May nagpapautang sa nangangailangan na 20 percent ang tubo. May mahilig magtinda nang kung anu-anu (damit, sapatos, bag, bra, panty, lotion, make up, pabango, baked goods, chichiriya, lutong-ulam, e-load  and many more)  na minsan kala mo nasa Divisoria ka. At samu’t saring mukha na pag nagsama-sama hindi halatang lahat eh may dinadalang problema.

Ang office nagmimistulang pabrika ng mga edukadong tao na kung hindi ka sanay, dudugo ang ilong at tenga mo sa kaka-Ingles habang nakatutok sa computer at naka-headset na minsan bumubulong ng “Tang ina mo! Ang tanga tanga mo!” habang nakapindot ang daliri sa mute button. Minsan naman namanhid na lang ang tenga sa pangmamaliit at pag-aalburoto ng kausap na foreigner sa kabilang line, kaya idinadaan na lang sa pag-inat at paghikab. Malake naman ang compensation, may health benefits pa. Yun nga lang para kang bampira na sa pagkagat ng dilim nagsisimula ang araw. Ayos na rin, ang importante may trabaho, hindi tambay.

Yosi muna bago uwi. Pantanggal stress.

Minsan parang gusto ko na maghanap ng ibang work. Bihira kasi kami magkita ng wife ko. Pag-uwi ko susubo ng kaunting food bago siya pumasok sa bangko tapos tulog na. Hindi madaling gawing gabi ang umaga para makatulog ng mahimbing. Madalas tulog pero gising ang diwa. Kaya lutang pa din. Gigising ng hapon, kain ng lunch sa meryenda. Nuod ng t.v. tapos pipiliting makatulog ulit. Kailangan magpondo ng lakas. Gigising nang madilim na ang paligid kasabay ng pagdating ni misis. Maliligo. Mag-aayos. Akap at halik ng saglit, sabay alis. Sweet goodbye ang tanging iiwan. Buti understanding siya. Kaya lang lately pansin kong ang lamig ng pakikitungo niya. “Babawi ako sayo Hon!” madalas kong masabi.

Salamat at malapit lang sa office ang inuupahan namin. Tuwing uuwi ako, natutuwa ako makita itong bata sa tapat ng bahay namin na palaging nasa bubungan nila dahil sa pag-aalaga ng kalapati. Hindi basta kalapati kasi pinanglalaban daw yun sa karera.

Home sweet home! Teka, ba’t hindi naka-lock ang gate namin? Hindi rin nakalapat ang pinto? Naku! Hon!

Wala siya sa sala. Wala sa kusina. Wala sa kwarto. Wala sa banyo! Sabado ngayon, wala siyang pasok. At pag ganitong weekend naghahanda yun ng masarap na breakfast. Pero nasan siya? Makalabas nga uli. Baka may binili lang.

Teka ba’t umiiyak na yung batang nag-aalaga ng kalapati? Mausisa nga.

“Huuu!Huuu!Huuuu!! hindi na po kasi bumalik yung kalapati ko. Nadagit siguro. Huuuu!Huuuu!”

Patuloy sa pagnguyngoy ang batang tinanong ko. Hindi ko alam, pero bakit parang gusto ko na siyang sabayan sa pagnguyngoy. Naalala ko ang kwento ng Lolo ko. Ang kalapati daw, dapat alagaan nang mabuti para maging batser. Kung hindi, baka maghanap ng ibang amo…

Biyernes, Setyembre 14, 2012

Pera'y Mukha


nawawala ang ningning ng tawa
pag wala nang mahugot sa bulsa
anong saysay ng halaga
kung nawawala ang pag-asa

kumikislap ang pera
walang mukha
sumisimangot ang mukha
walang pera

may ningning ang pera sa mata
may halaga ang kanin sa bituka
sa pera't bituka
nabubulabog ang pag-asa
anong saysay ng halaga?

di mapigil pagtaas ng gas
tipid-tipid muna sa bigas
mukmok ng luho
pigil na pigil
paglaman sa bulsa'y isipin
nawawala ang ningning ng tawa

pera'y mukha
sa daigdig na materyal
makislap
maningning
nag-aanyaya sa luho
naglalaman sa bituka
naglalamat sa pag-asa

ano ngayon ang halaga
ng mundo,
kung may kislap ng pera
at walang ningning
ang pagtawa..