Palundag
na sumampa sa jeep ang isang batang babae. Dali-daling ibinigay sa mga pasahero
ang libagin at lukot na mga sobre. Ang iba ay ipinatong na lamang niya sa
ibabaw ng hita ng mga iyon. Nakasulat sa sobre ang:
“MAM/SER, PARANG AWA NYO NA PO. PAHINGI
PO NG KONTING TULONG PANGKAEN LANG PO.”
May
construction worker na ibinaling ang tingin sa bintana. May kolehiyalang
nagtakip ng panyo sa ilong. May sales lady na nagitla. May mamang nagdududa.
May aleng nangilatis ang mata. May nag-oopisinang patuloy sa pag-aayos ng
mukha. May grade schooler na nakatitig. May isang misis ang dumukot sa bag. May
isang lalaki ang dumukot sa bulsa ng pantalon. At may isang matandang nagsilid
ng kapirasong papel sa sobre.
Nakaupo
ang bata sa estribo. Umaawit.
“wag damdamin ang kasawiyan, tutlungan
ka ng Diyos na me lalang. Ang ‘yong padaramdam, inalangin mo sa me Kapal, na sa
puso mo eh mawala ng lubusan..”
Hindi
na niya tinapos ang kanta. Tumayo at isa-isang kinuha ang sobre. Walang imik na
tumalon papalabas sa umaandar pa na jeep. Agad umupo sa bangketa ng Avenida.
Ibinukod ang tatlong sobreng may bahagyang umbok at bigat.
Sinilip
ang una. May dadalawampisuhing biskwit. Ibinulsa,
“para ke
Nonoy.”
Sinilip
ang pangalawa. May tatlong piso. Ibinulsa. Kumalansing,
“sakto me panlugaw na.”
Sinilip
ang pangatlo. May piraso ng papel na may imahen ng Birheng Maria at mga dasal
sa pananampalataya. Kinilatis. Ilang beses na binuklat ang pahina. Walang
lumabas na salita.
Tumayo
siya at patakbong lumapit sa paparating na jeep. Naiwan sa bangketa ang piraso
ng papel na laman ng pangatlong sobre.