Martes, Hunyo 12, 2012

Isang Panimulang Pagkilatis sa Sanaysay na “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan”ni Alejandro G. Abadilla



Mapagbuong Pagwasak
            Ang sanaysay na ito ni Alejandro G. Abadilla ay lumabas sa Liwayway noong Hulyo 8, 1944 bilang tugon sa kritisismo ni Iñigo Ed Regalado. Kilala si Abadilla bilang modernista ng panulaan sa kanyang panahon kaya masisilayan sa sanaysay ang pinanananigan niyang ideya sa pagsulat ng tula. Ang layunin niya’y magkaroon ng kalayaan ang makata sa pagpili ng balangkas at paraan sa pagtula na nang mga panahong iyon ay hindi maunawaan ng mga manunulat na itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog. Winika niya:
                                    Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa pagpapahayag… Hindi dapat hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang pagpasasaan..
            Malinaw sa pahayag ni Abadilla mula sa kanyang sanaysay na ang makata ay sentral ang ginagampanan sa malayang pagpapahayag ng mga sangkap at balangkas ng tula. Hindi marapat pigilan ng sinuman, kahit pa ng mga maituturing na establisyamento ng panulaan ang pagbabago ng mundo na kailan man ay hindi tumigil sa pag-ikot upang higit pang matuklasan ang mga kalinangang sarili at pambansa. Ang sanaysay na ito ay isang testamento ng paghuhugis sa bagong mukha ng panulaan nang panahong iyon at pagpipinta ng tunay na kahulugan ng modernistang paniniwala ni Alejandro G. Abadilla. Nilinaw niya na mali ang paniniwala ng mga kritiko na ang makabago ay may layuning ibagsak at lansaging ganap ang katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at palitan ng Tulang Inggles na mula sa mga Amerikano. Ang tinutukoy na balangkas at katutubo ng tula ay ang sukat at tugma na siyang batayan ng pagiging tula ng isang tula sa pagkilala ng sining. Itinuturing noon na sagrado ang pagkakaroon ng sukat at tugma ng tula kaya walang maaaring bumali lalo pa’t ang establisyamento ng panulaan ay binalangkas ng mga matatandang makata na sumamba sa sagradong katutubong balangkas.
            Ipinaliwanag sa sanaysay na ang pagbabagong hangad ay hindi isang pagwasak. Ikinumpara ni Abadilla ang usaping ito sa damit na kumakatawan sa balangkas, pamamaraan o anyo kung saan ang pagbabago ay parang paglalaba ng damit na luma at marumi na. Hindi nito hangad ang lapastanganin ang damit dahil kung gayon nga, ang nilalapastangan ng mga makabago ay ang mga sarili rin nila. Kaya bakit sila gagawa ng bagay na wawasak din sa damit na kanilang inalayan ng panata sa mahabang panahon? Dagdag pa niya, ang isang mamamayan ay may katwirang huwag masiyahang tumira sa luma’t sira-sirang kubo kung may kakayahan naman siyang makabuo ng ibang naiiba at nababago.
            Kung gayon, maaari nating sabihing mapagbuo ang pagwasak na ito, kung pagwasak ngang maituturing. Mapagbuo sapagkat ang hangaring pagbabago ay hindi upang burahin ang isang balangkas at anyo kundi pintahan ng bagong kulay at himig tungo sa isang malayang pagpapahayag.

Ang Laman at Anyo
            Nais linawin ni Abadilla na ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi mahalaga. Sa halip, ang kalamnan nito na tumutukoy sa damdaming matulain, yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig. Gayondin ang halaga ng ritmo o daloy na panloob na kabuuan ng pagkakaisa at pagkakasundo ng kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata. Hiramin din natin ang pahayag ni Clodualdo Del Mundo sa pagsusuri niya sa “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla:
                                    Ang tunay na tula ay kailangang matigib sa damdamin, kinakailangang managano sa kabuuan nito sapagkat kung hindi mapupuno sa damdamin, kailanma’y hindi maaaring mabitag sa mga taludtod nito ang isang kagandahan. At ang gandang kinakailangang mabihag ng mga taludtod at mga parirala sa isang tula’y yaong nakapupukaw sa isang banal na damdamin. Iyan ang tunay na tula: nananagano sa masisidhing damdaming gumigising sa kabanalan ng isang panimdim.
            Ang tinutukoy na damdamin ni Del Mundo ay uusbong sa kapangyarihan sa pagpapahayag ng isang makata. Sa kanyang sariling sumpa nakasalalay ang matigib na damdaming mangingibabaw sa isang obra upang tiyak na lumambong sa puso ng mga mambabasa.
Malaki kung gayon ang papel na ginagampanan ng makata sa pagbuo ng damdamin at balangkas ng anyo. Tulad ng nabanggit sa bandang unahan, ang makata ay sentral ang gampanin sapagkat sa kanyang namumukod-tanging kakanyahan, batayan, balangkas at pamamaraan ng paglikha, bumubukal ang tunay na anyo ng isang makata. Ang makatang bukas ang kamalayan, maramdamin sa kanyang mundong ginagalawan at makapangyarihan sa pagpapahayag ng mga kaisipang kayang damhin ng lahat, subalit hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang tao.
Sa pagniniig ng mga nabanggit, tiyak na matitigib ang laman at makukulayan ang anyo na magpapasilay sa tunay na kahulugan ng tula sa mundo ng panitikan. Ayon kay Abadilla “Ang tula ay tula sa harap ng anumang sukat ang ginagamit ng diumano’y makabago o makaluma.”

Ang Kamao ng Panulat ni A.G.A.
            Taong 1940 nang lumabas sa magasin na Liwayway ang tula niyang “Ako ang Daigdig” na gumimbal sa panulaang Tagalog. Ang tulang iyon ay isang manipesto ng kanyang paglihis sa tradisyon ng pagtula at pagkilos para sa pagbabanyuhay ng mukha ng panulaan. Walang takot ang kanyang mga pahiwatig sa pag-alpas sa pagkakatali sa sukat at tugma. Gayonman itinuring siya ni Clodualdo Del Mundo na namimilosopiya sa anyong paberso sa kanyang tula. Isang pilosopo sapagkat hindi niya naipahayag ng matapat at taimtim ang damdamin na katangian ng isang tula.
Ang paglaban sa sariling mundo ng sining ni Abadilla ay itinuturing niyang sining ng pagpapatiwakal. Ito’y sa kadahilanang sa pagsuong sa disyerto, dadating ang panahon ng pag-iisa at mauubos ang katas ng katawan hanggang sa lamunin ng alikabok at manatili na lamang sa kasaysayan. Ayon kay Virgilio Almario sa kanyang aklat na Pitong Bundok ng Haraya (2010),  napakahirap maging dakila. Uulitin ko ang wika ni Abadilla, sining ito ng “pagpapatiwakal”; isang “panata” para sa kalayaan para kay Ka Amado at malimit na sinusukat ang katapatan at konsistensi pagkaraan ng kamatayan. Kaya higit na dumarating ang mga gantimpala’t parangal kapag siguradong hindi ka na makapagbabagong-loob (sapagkat patay ka na o ulyanin) para maging inconsistent.
            Hindi matatawaran ang halos 30 taong krusada ni Alejandro G. Abadilla tungo sa paggiba sa tinatawag niyang “kastilyong-moog ng lumang institusyon” (Almario, 2010). Subalit nakalulungkot isipin ang katotohanang, ang pagtanggap sa mga kaisipan ng isang tao ay kinikilala na lamang kapag siya’y patay na. Ang mga naiwan niyang kasaysayan ay buhay na patunay ng pagsusulong ng kamulatan sa anumang sistemang umiiral. At ang lahat ng iyan ay makikita sa mga obra niyang bumalangkas at bumago sa tradisyon ng panulaan.
            Sa kabuuan, hindi pagsunod sa tradisyon ang mahihiwatigang tinig ng sanaysay, kundi pagtakwil sa sistema ng panulaan na hindi nagpaunlak sa pagpasok ng bagong tuklas na kaisipan at nagpaubayang magkaroon ng kalayaan ang makata upang lumikha ng obra.

Sanggunian:

Almario, Virgilio S. (2010). Pitong Bundok ng Haraya. UST Publishing House: España, Maynila.




Biyernes, Mayo 25, 2012

Ang Mangangapa


May kamay na kumakapa. Sa ilalim ng bag sa ibabaw ng hita. Patuloy ang pagkapa. Manhid ang kinakapa. Maingat naman ang kumakapa at aktibo ang lahat ng kanyang pandama. Normal lang ang paligid. Lahat sila’y manhid. Normal lang ang araw, sa mangangapang lakas ng loob ang puhunan.

Tapos na ang pangangapa.

Sinipat ng mata ng tsuper ang rear view mirror, paghinto sa kanto ng Mindanao Ave. Napailing. Nagwika "tsk! tsk! oh, baka ho may nakuha sa 'nyo!" Natauhan ang lahat. Isa-isang kinapa ang bulsa’t bag.

Isang estudyante ang napaiyak. Laslas ang bag. Pangmatrikula’y naglahong parang bula.

Ang mahilig mangapa, pauwi na sa anak niyang nag-aagaw-buhay sa dampa nila sa ilalim ng tulay.

Huwebes, Mayo 24, 2012

SIKRETONG MALUPIT



Pinihit niya ang gripo. Bumasag sa katahimikan ang tunog ng tubig na pumapatak sa baldeng walang laman. May kumislap na bagay. Bahagyang nagliwanag. Humithit. Nagningas ang baga papalapit sa kanyang labi. Dumaloy ang usok sa lalamunan patungo sa baga. Saglit na ibinabad. Unti-unting ibinuga. Dahandahan. May indayog ang mabagal na paggalaw sa patay na hangin.

Lumaya ang isip. Ang puso niya’y bumilis ang pintig. Kumawala sa taimtim na sandali ang tuwa sa lahat ng kimkim. Lumabas sa katawan ang hindi mapigilang gigil. Hithit. Buga. Hithit. Buga. Paulit-ulit.

Unti-unting pumatak ang latak ng bituka kasabay ang pagpatak ng malamig na pawis. Sa wakas, nakaraos din. Makapal na ang puting usok sa kulob na silid.

Bumasag sa taimtim na sandali ang malalakas at sunod-sunod na katok sa pinto. Kasunod ang bulyaw ng pamilyar na tinig. “Hoy Junior! ‘Kaw bata ka! Anong petsa na? Kaninang-kanina ka pa dyan!!”

“Lalabas na ho! Maghuhugas lang, saglit!”
 
Nilamon ng trono ang kanyang sikreto.

Sabado, Mayo 5, 2012

GTG

Pinindot ang keyboard,
klik
tumunog..
Log in
May numero, may titik.

Pinindot ang enter,
Klik
lumabas..
Welcome!
May pangalan, may larawan.

Namilog ang mata,
Ngumiti..
Farm Gift!
May titik, may mensahe.

Ginalaw ang mouse,
Pinindot ang keyboard,
Klik
Klik
tumunog..
Nanabik,
May larawan, may salita.

Pumindot
Naaliw,
Paulit-ulit..
Klik
Klik
Klik
Humapdi ang mata,
Nanakit ang batok,
Namanhid ang puwit.

Klik
Klik
Klik
Klik

Tumunog!
Humapdi ang tiyan,
Masakit ang katotohanan!
Namanhid ang diwa,
Bulag ang kamalayan!

Log out na!

Ilang oras ang nasayang,
Katumbas ng mahabang panahong
pagwawalang bahala..

Sayang!
Hindi namunga ang Farm,
Bukas ulit
gtg

Tulay na Bakal


Sa berdeng tulay na bakal na iyon
Isang musmos ang kunot-noong  nakatanaw
yayat ang katawan,
hungkag ang mukha
walang tiyak na patutunguhan
ang tingin..

sa berdeng tulay na bakal na iyon
hindi natitinag ang laksa ng tao
walang damdamin,
nagmamadali
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
lantad ang lupit ng daigdig
‘sang kalawanging lata ng sardinas
Butas na tsinelas
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
walang lugar para maglaro
ang tuwid na estruktura
tanging layon ay mag-ugnay
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
sumaglit sa alaala
‘sang inang naghahabol ng hininga
may kumislap sa sulok ng mata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
maraming pangarap ang nagdaraan
asam ay hulugan ng pagpapala
bahaw pa rin ang tunog ng lata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
may nakararamdam din pala
aliw-iw sa tenga ang kalansing sa lata
kumurap ang habag
impit na ngiti ang naitugon
nang musmos na kunot-noong nakatanaw….

Mayumi

Sa iyong pintig at galaw,
napapaisip ako
Nandyan ka na ba talaga?
parang misteryo pa rin.

Sa mabilog mong hugis,
ako'y napapangiti
Bakit nga ba?
Eh hindi naman kita nakikita?

Bawat araw ay puno ng kapanabikan
Sa mga indayog mong,
di ko maipaliwanag
Ahh! nahubog ka na nga!

Minsan tuloy ako'y nagtataka
Bakit bilog? hindi ba pwedeng tatsulok?
minsan ka ng tumulis at nanigas
hudyat ba iyon ng pagbabago ng hugis mo?
O ng pagod na nadarama habang nasa loob ka?

Nangangamba tuloy ako
dahil alam kong may nasasaktang iba..

Kayong dalawa,.. iisa,
Ikaw o siya?
Sino ang mahalaga?
bilog ka at siya'y imahe na,
Hindi usapin kung sino ang mahalaga..

Sa paghimas at pagpindot ko sa balat niya,
Ikaw ang aking nakakapa..
Ang mga galaw ninyo'y mahalaga,
nagbibigay sa akin ng sigla..
Ikaw at Siya..
Ako'y kumpleto na! 

PG

Namimilog ang matang nakatanaw,
ang batang marungis,
sa mamantika't nangangamoy
na manok sa ibabaw
ng nagbabagang ihawan
sa Quezon Ave..

Nanlisik ang mata ng tindera
at itinaboy ang paslit
Nag-ipon ng malapot na likido
ang habag,
sabay lunok..
pamawi sa mithing pangarap
na naunsyami
at nagwika,
" 'la yang enta,
mamya chichibog din 'ko nyan
jalibi pa!"

Tumalikod ang bata
tangan ang kalawanging kalaykay...