Martes, Setyembre 18, 2012

Ang Diary ng Modernong Call Boy



Nakakapagod ang araw na ‘to. Naka-100 na calls siguro ko. Dagdagan pa ng mga irrate na Kano, na feeling pag-aari ka nila, na tatanga-tanga dahil kailangan pang ituro sa kanila kung paano iplug-in ang photocopying machine. Samahan pa ng pressure sa team leader na panay remind na “come on guys! we got numbers to meet!” Ang saya di ba? Parang may humahabol sayo na hindi mo pwedeng iwanan. Kundi lang malaki ang salary di ko magtyatyaga eh. Buti na lang masarap kasama ang mga kateam ko. Nakakatuwang marinig ang mga istorya ng buhay nila.

May license nurse na naligaw dahil walang mapasukang ospital o nag-iipon para makapag-OJT. May nagtatrabaho para mabigyan ng magandang future ang anak. May dating English teacher pero may lapses sa grammar. May mga ulirang anak na pag pay day eh parang hangin na dumaan lang ang pera sa palad. May working student na parang elementary ang itsura. May mahilig magparty-party kahit puyat. May senior citizen na, pero hataw pa rin magcalls. Meron namang mukha lang talagang senior citizen. May mga matinee idol ang dating, bading pala. May nagpapautang sa nangangailangan na 20 percent ang tubo. May mahilig magtinda nang kung anu-anu (damit, sapatos, bag, bra, panty, lotion, make up, pabango, baked goods, chichiriya, lutong-ulam, e-load  and many more)  na minsan kala mo nasa Divisoria ka. At samu’t saring mukha na pag nagsama-sama hindi halatang lahat eh may dinadalang problema.

Ang office nagmimistulang pabrika ng mga edukadong tao na kung hindi ka sanay, dudugo ang ilong at tenga mo sa kaka-Ingles habang nakatutok sa computer at naka-headset na minsan bumubulong ng “Tang ina mo! Ang tanga tanga mo!” habang nakapindot ang daliri sa mute button. Minsan naman namanhid na lang ang tenga sa pangmamaliit at pag-aalburoto ng kausap na foreigner sa kabilang line, kaya idinadaan na lang sa pag-inat at paghikab. Malake naman ang compensation, may health benefits pa. Yun nga lang para kang bampira na sa pagkagat ng dilim nagsisimula ang araw. Ayos na rin, ang importante may trabaho, hindi tambay.

Yosi muna bago uwi. Pantanggal stress.

Minsan parang gusto ko na maghanap ng ibang work. Bihira kasi kami magkita ng wife ko. Pag-uwi ko susubo ng kaunting food bago siya pumasok sa bangko tapos tulog na. Hindi madaling gawing gabi ang umaga para makatulog ng mahimbing. Madalas tulog pero gising ang diwa. Kaya lutang pa din. Gigising ng hapon, kain ng lunch sa meryenda. Nuod ng t.v. tapos pipiliting makatulog ulit. Kailangan magpondo ng lakas. Gigising nang madilim na ang paligid kasabay ng pagdating ni misis. Maliligo. Mag-aayos. Akap at halik ng saglit, sabay alis. Sweet goodbye ang tanging iiwan. Buti understanding siya. Kaya lang lately pansin kong ang lamig ng pakikitungo niya. “Babawi ako sayo Hon!” madalas kong masabi.

Salamat at malapit lang sa office ang inuupahan namin. Tuwing uuwi ako, natutuwa ako makita itong bata sa tapat ng bahay namin na palaging nasa bubungan nila dahil sa pag-aalaga ng kalapati. Hindi basta kalapati kasi pinanglalaban daw yun sa karera.

Home sweet home! Teka, ba’t hindi naka-lock ang gate namin? Hindi rin nakalapat ang pinto? Naku! Hon!

Wala siya sa sala. Wala sa kusina. Wala sa kwarto. Wala sa banyo! Sabado ngayon, wala siyang pasok. At pag ganitong weekend naghahanda yun ng masarap na breakfast. Pero nasan siya? Makalabas nga uli. Baka may binili lang.

Teka ba’t umiiyak na yung batang nag-aalaga ng kalapati? Mausisa nga.

“Huuu!Huuu!Huuuu!! hindi na po kasi bumalik yung kalapati ko. Nadagit siguro. Huuuu!Huuuu!”

Patuloy sa pagnguyngoy ang batang tinanong ko. Hindi ko alam, pero bakit parang gusto ko na siyang sabayan sa pagnguyngoy. Naalala ko ang kwento ng Lolo ko. Ang kalapati daw, dapat alagaan nang mabuti para maging batser. Kung hindi, baka maghanap ng ibang amo…

Biyernes, Setyembre 14, 2012

Pera'y Mukha


nawawala ang ningning ng tawa
pag wala nang mahugot sa bulsa
anong saysay ng halaga
kung nawawala ang pag-asa

kumikislap ang pera
walang mukha
sumisimangot ang mukha
walang pera

may ningning ang pera sa mata
may halaga ang kanin sa bituka
sa pera't bituka
nabubulabog ang pag-asa
anong saysay ng halaga?

di mapigil pagtaas ng gas
tipid-tipid muna sa bigas
mukmok ng luho
pigil na pigil
paglaman sa bulsa'y isipin
nawawala ang ningning ng tawa

pera'y mukha
sa daigdig na materyal
makislap
maningning
nag-aanyaya sa luho
naglalaman sa bituka
naglalamat sa pag-asa

ano ngayon ang halaga
ng mundo,
kung may kislap ng pera
at walang ningning
ang pagtawa..

Huwebes, Agosto 30, 2012

Republika de Tabla


TINIPON ni Mang Berting ang mga nakolektang kalakal. Pinagsama-sama ang magkakauri. Bote, bakal, samo't saring bagay na gawa sa plastik at ang pinakamahalaga - piraso ng tabla't kahoy. Napangiti siya sa dami ng tablang nalikom sa ilang araw na pangangalakal. Mabubuo na niyang muli ang dampa na sinira ng bagyo.

Matipid siya sa ilang pakong nahugot sa mga gamit nang kahoy na kanyang napulot. Buti na lang at may mga tali siyang naitabi na magkakaiba man ang sukat para sa kanya'y pampatibay. Hindi niya kailangang maging metikuloso sa paggawa ng bahay. Walang halaga ang metrong panukat sa dangkal ng kamay. Walang halaga ang lagareng pamputol dahil hindi na kailangang magputol. Walang halaga ang martilyo sa batong buhay na pamukpok. Hindi kailangan ng blueprint sa talas ng kanyang mata sa pagtantya. Ang mahalaga may masisilungan.

Nagsimula ang pagpukpok. Pinagtagni-tagni ang tabla sa nabuong kalansay na kahoy. Buti na lang at itinira ng bagyo ang dalawang kalawanging yero. Natapos ang araw at nagawa ang kanyang dampa. Sapat na ang tibay ng sapin-saping tabla para magkaroon ng panangga at makapagpahinga sa buong madamag. Maya-maya pa'y namayani ang paghilik sa dilim.

GINISING si Mang Berting ng ingay ng mga nagmamadaling paa at umaangil na tunog. Naalala niya ang nagdaang bagyo. Subalit walang hangin o ulan sa umagang iyon. Nagtaka siya. Papalapit nang papalapit ang umaangil na tunog. Nagngangalit. Nagsisigawan ang mga kapitbahay. Sigaw ng pagmamakaawa ng mga ina. Sigaw ng pagtatanggol ng mga ama sa piranggot na espasyong inari nila. Sigaw ng luha ng mga paslit na walang muwang sa kanilang daigdig.

Papalapit nang papalapit ang nagngangalit na angil. Pupungas-pungas niyang iniangat ang kanyang katawan. Tumingala. Nasilaw sa sinag ng araw na nakasilip sa butas ng yero. Bigla na lang niyang naramdaman ang pagbagsak ng mga tablang itinuring niyang panangga sa anumang banta ng kalikasan. Hindi niya napaghandaan ang banta ng makinang panggiba. Pira-piraso na lang ang binuo niyang dampa.

Lunes, Agosto 27, 2012

Mantsa


"Tumigil ka na sa pag-aaral anak. Magtarbaho ka na lang para makatulong ka.." Umaalingawngaw pa rin sa gunita ni Gina ang litanya ng kanyang ina habang naglalakad siya sa kanto ng Morayta. Kahit tulala, lutang pa rin ang likas niyang ganda. Lalo siyang pinagaganda nang malinis at puting-puti na pang-nurse na uniporme.

Bahagyang umaambon at ang lansangan ay pinaliliwanag ng mga ilaw ng street light at mga signboard sa ilang establisyamento. Nagtatanong ang kanyang isip. Naghahanap ng sagot. Gusto niyang makatapos ng pag-aaral. Pero iba ang tugon ng katotohanan. Makailang ulit na siyang sumulat ng promisory note. Makailang ulit na ring lumipas ang klase na candy lang ang dumadaan sa kanyang bibig. Patuloy ang pag-alingawngaw ng tinig ng kanyang ina. Malaki ang kailangan niyang halaga, hindi lang sa matrikula kundi maging sa kapatid na nakaratay sa tahanan. Huminto siya sa kanto ng Claro M. Recto. Huminga ng malalim. Bumulong ng dasal.

Isang itim na Expedition ang dumaan. Natilamsikan siya ng baha na naipon sa mababaw na butas ng kalsada. Hindi siya nabigla. Subalit wala na ang linis at ganda ng kanyang puting uniporme.

Laro ng Buhay


Isang nagmamadaling Lunes nang magkabanggaan kami sa LRT station. Nahulog ang mga bitbit niyang aklat. Sabay kaming dumampot. Sa pagtindig namin, nagsalubong ang aming tingin. May tila koryenteng dumaloy sa aking katawan. Pakiramdam ko tumigil ang mundo. Nagtapon siya ng ngiti. Lalong tumindi ang koryente. Parang gusto kong himatayin. Pinawisan ako nang malamig. Tila binuhusan ng nagyeyelong tubig. Kinikilig? Doon nagsimula ang aming kasaysayan.

Ilang buwan ding nagsalo sa ngiti, tuwa, tampo at lumbay. Kapwa naglakbay sa mundong kami lang ang nakaaalam. Nagsalo kami sa lahat. Maliban sa isang bagay na ayon sa kaniya'y hindi pa handa. Dapat maghintay. 

Naghintay ang aking isip subalit ang katawa'y may sariling pintig. Wala nang nagawa, isang gabing alipin ng alak. Pumutak ang manok ng kapitbahay.

Nagising akong mag-isa sa kama. Tanging pilas ng papel mula sa isang notebook ang aking katabi. Ayon sa liham "Thank you sa lahat. Itigil na natin ito. We're not meant for each other. I'm really sorry. Kailan ko lang nalaman, magkapatid tayo sa ama. Paalam kuya."

Nakoryente muli ako. Pero hindi tulad noong una na kilig, kundi kilabot sa natuklasan.

Biyernes, Agosto 24, 2012

Sa Ngalan ng Tiyan


Palundag na sumampa sa jeep ang isang batang babae. Dali-daling ibinigay sa mga pasahero ang libagin at lukot na mga sobre. Ang iba ay ipinatong na lamang niya sa ibabaw ng hita ng mga iyon. Nakasulat sa sobre ang:
“MAM/SER, PARANG AWA NYO NA PO. PAHINGI PO NG KONTING TULONG PANGKAEN LANG PO.”
May construction worker na ibinaling ang tingin sa bintana. May kolehiyalang nagtakip ng panyo sa ilong. May sales lady na nagitla. May mamang nagdududa. May aleng nangilatis ang mata. May nag-oopisinang patuloy sa pag-aayos ng mukha. May grade schooler na nakatitig. May isang misis ang dumukot sa bag. May isang lalaki ang dumukot sa bulsa ng pantalon. At may isang matandang nagsilid ng kapirasong papel sa sobre.
Nakaupo ang bata sa estribo. Umaawit.
“wag damdamin ang kasawiyan, tutlungan ka ng Diyos na me lalang. Ang ‘yong padaramdam, inalangin mo sa me Kapal, na sa puso mo eh mawala ng lubusan..”
Hindi na niya tinapos ang kanta. Tumayo at isa-isang kinuha ang sobre. Walang imik na tumalon papalabas sa umaandar pa na jeep. Agad umupo sa bangketa ng Avenida. Ibinukod ang tatlong sobreng may bahagyang umbok at bigat.
Sinilip ang una. May dadalawampisuhing biskwit. Ibinulsa,
 “para ke Nonoy.”
Sinilip ang pangalawa. May tatlong piso. Ibinulsa. Kumalansing,
“sakto me panlugaw na.”
Sinilip ang pangatlo. May piraso ng papel na may imahen ng Birheng Maria at mga dasal sa pananampalataya. Kinilatis. Ilang beses na binuklat ang pahina. Walang lumabas na salita.
Tumayo siya at patakbong lumapit sa paparating na jeep. Naiwan sa bangketa ang piraso ng papel na laman ng pangatlong sobre.  

Huwebes, Agosto 23, 2012

Pagkatay


MAY humatak sa buntot papalabas sa kural. Walang ano-ano'y kinaladkad sa madamo at maputik na daan. Pinagtulungan ng apat na matador na naka-fatigue na pantalon.

Napabirit. Walang nakaririnig.

Sinubok ng katawang pumiglas, kaya nauwi sa pagkakagapos ang mga paa. Itiniwarik pa. Kumukulo na ang tubig sa malaking kalderong inaapuyan ng mga gatong. Sa ilang saglit ay babanlian ang katawan.

Kumuha ng pamalo ang isa. Lumapit. Pinuntirya ang ulo. Iwinasiwas. Sapul!

Patuloy ang pagbirit. Malakas na birit. Wala pa ring nakaririnig.

May katigasan ang bungo. Pumalag-palag pa. Umuungot ng bahagya. Kaya kumuha na ang isa sa mga matador ng matulis na kutsilyo. Hinawakan sa katawan ng iba upang hindi na makapalag. Kasunod ang pagtarak ng kutsilyo sa leeg. Sumirit ang dugo.

Bumirit muli ng isang malakas. Pahina nang pahina. Nakapupunit ng katahimikan sa madaling araw ang tagpong iyon. Nakatay na rin sa wakas ang baboy na ipauutang nang por kilo sa mga kapitbahay, pagsilip ng liwanag.

BIGLANG napabalikwas sa pagkakatulog si Arman. Bakas sa mata ang takot. Hindi ang ingay ng kinatay na baboy sa kalapit na bahay ang gumising sa kanya. Sariwa pa rin sa kanyang gunita ang sinapit ng kanyang kaiskwela na napagkamalang kasapi ng mga rebolusyonaryong grupo sa kabundukan. Masahol pa sa pagkatay ng baboy ang kanyang nasaksihan na ngayo'y bangungot na dumadalaw sa kanyang balintataw..