Miyerkules, Marso 20, 2013

MAKAHIYA


Manghang-mangha ako tuwing titiklop ang dahon ng makahiya. Tuwang-tuwa akong paglaruan  ‘yon.  Misteryo sa ‘kin ang galaw n’un tuwing masasagi ng daliri ko o kahit ng malakas na hangin. Parang katawan ko na tumitiklop ‘pag kinikiliti ni Itay
Ilang araw ko na ring kalaro ang makahiya. Hindi naman bakasyon, pero madalas ako sa tapat ng bahay namin. Wala kasing pambaon sa iskwela. Kaya naglilibang na lang. Inaabot at tinatanaw ang mga makahiya kasama ng mga damo, doon sa loob ng bakod na rehas. Pag-aari raw ng gobyerno ang kabila ng bakod na ‘yon minsang sabi ni Itay.
Nagtataka nga ako na tumubo ang mga makahiya sa pulang lupang mabato na sagana sa basura. Siguro dahil sa basura, sumusustansya ang lupa kaya maraming damo at makahiya. Iyon kasi ang likuran na nagsisilbing tambakan ng basura ng isang puting building na nasa gitna ng bakuran na ‘yon. Du’n daw sa building na ‘yon dinadala ang mga ballot box ‘pag panahon na ng botohan.  At ‘yon naman ang tapat ng bahay namin. Bakod na rehas lang ang namamagitan.
Sa rehas na ‘yon din nagsasampay ng labahan si Inay at du’n din ako humahawak sa pag-abot ko sa mga makahiya.
Pero isang umagang himas-himas ko ang rehas habang pinagmamasdan ang mga makahiya sa bakuran na ‘yon, narinig ko ang pagdakdak ni Aling Iming sa tapat ng bahay namin. Hindi raw maayos ang nilabhan ni Inay. Hindi raw mabango. Hindi raw nilagyan ng Downey. Hindi raw malinis. Hindi raw sulit ang ibinayad niya. Hindi na raw siya magpapalaba ulit. Hindi na, hindi na, at marami pang hindi.
Nakita ko si Inay, hindi nagsasalita. Nakatungo. Parang makahiyang tumiklop sa hipo ng maingay na boses. Pero hindi siya nakiliti.

Hindi, hindi ko mahagilap ang pagkamangha sa kalagayan na ‘yon. Doon ko naisip, hindi rin pala masayang paglaruan ang makahiya.

Miyerkules, Marso 6, 2013

Burgis na Tambay

Sa labas ng bahay:

    Adidas ang t-shirt
    Levis ang pantalon
    Nike ang sapatos
    Zagu’ng iniinom

Ang loob ng bahay:

    walang damit ang bubong
    walang sapin ang dingding
    ni ilaw na maningning
    Nawasa’ng iniinom 

Nasaan


Noon,
saan matatagpuan
ang punong mangga?
Hitik sa bunga’t
may malalagong sanga,
nagkaloob ng lilim
sa aming pamilya.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Saan matatagpuan
ang talahiban?
Nagmistulang ulap
na nagkanlong
sa aki’t
naging palaruan.

Walang iba,
nag-iisa
sa tapat
ng aming dampa.

Ngayon,
saan matatagpuan
ang aming dampa?

Wala na,
giniba
sa tapat ng talahiba’t
punong manga.
Binuldoser
Binura

Iba't Ibang Tanaga

Grave Shift
nilalamon ng hikab
matang di makakurap
bumigay ang talukap
sinesante't binulag


Kapeng Barako
nabigla sa paghigop
dila'y tila tumiklop
sa tapang ng barako
tumili ng mapaso

Saging na Saba
binalata't nilaga
nakinabang ay iba
hinati ang 'yong puso
nagpabaya ang puno


Langit at Lupa
sabi niya ay "langit"
pagdidiin at pilit
ang taya ay nagalit
lupa nila'y nailit

Relief Goods
matuto raw maghintay
'pagkat sila'y mahirap
tiya'y di makahintay
rebolusyo'y sisiklab

Umasa
'sing talas ng talahib
sumusugat sa dibdib
lumalatay sa isip
ang pangakong kinipkip

Sabik
malalaki ang hakbang
ng paa kong namanhid
ang tsinelas kong asam
hindi man lang nanabik

Habilin
'sang pakete ng gata
'yung pulbos na di piga
pag-uwi'y walang dala
sarili'y nasangkutsa

Stress
kumapal na ang eye bag
sa pagpiga sa utak
tinutunton anng linya
nangingitim ang mata

Katabi
isang dipa ang puwang
walang laman ni gatlang
di mapunan ang patlang
walang namamagitan



Miyerkules, Enero 9, 2013

PLASTIK

Matapos magpunas ng diyaryo, itinaas niya ang kanyang shorts. Ibinuhol ang plastic bag na pinagpatakan ng tae. Pumunta siya sa likod-bahay. Inihagis sa ilog ang dumi. Agad siyang lumabas ng bahay at tumungo sa palengke bitbit ang isang salansan ng plastic bag. Ilalako niya ang mga iyon. 
Mahalaga kay Nene ang plastic. Tulong niya sa kanyang ina na labandera ang kinikita niyang barya sa paglalako niyon. Higit sa lahat, doon nila ipinapatak ang latak ng ampaw nilang sikmura. Iyon ang kanilang magic inidoro. 
Tuloy siya sa paglalako. "Plastik! Plastik po kayo dyan Mam! Ser!" 
Matumal ang benta ngayon. Buti pa ang plastic hindi pinapawisan at nangangawit. Kaya naisip niyang umupo muna sa bangketa. Hindi niya mabilang ang mga taong nagdaraan sa harap niya. Tumingala siya. Inaninaw ang langit. Napukaw ang atensyon niya ng isang matingkad na dilaw na karatula sa poste sa kabilang kalye. Napakunot ang noo. Hindi niya maunawaan. May napansin siyang larawan ng lalaki sa karatula. Hindi niya kilala. Tinitigan niya. 

CITY ORDINANCE SP-2103
Bawal ang Plastic

Biyernes, Nobyembre 30, 2012

RANCHO

Puno ng pananabik pero parang may super typhoon sa dibdib, sa unang araw ng pagiging teacher.  Sa pagbaba ko ng jeep, bumungad sa akin ang naghuhumindig na arkong bato.
                     WELCOME TO STO. NIŇO TOWN PROPER 
Nagtanong ako sa isang ale.  Itinuro sa akin ang direksyon papunta sa papasukan kong pamantasan.  Dalawang kanto lang daw mula sa kinatatayuan namin makikita ko na agad at katabi ‘yon ng community hospital.
Sinunod ko ang sabi n’ung ale.  Dalawang kanto ang nilagpasan ko at nasa tapat na nga ako ng isang maliit na ospital.
Naghanap ako ng gate.  Wala.  Naghanap ako ng bakod na maaaring palatandaan ng isang pamantasan.  Wala rin.  Napansin kong walang bakod at gate maging ang ospital.  Hindi yata uso sa kanila.  Binaybay ko ang gilid ng ospital.  Nakakita ako ng ilang estudyante.  Nagtanong ako.  Itinuro nila ang pinapasukang pamantasan na nasa gawing kanan ko pala.
Nagbanggaan ang kilay ko sa pagtataka.  Hindi ganito ang inaasahan ko. Tanging isang mahabang hilera ng silid na gawa sa plywood.  Bahagyang nalililiman ng dalawang puno ng narra.  Walang bintana.  Pintuan at maliit na siwang sa itaas at ibaba ng dingding ang tanging daluyan ng hangin.  Sa bilang ko, may labing-limang pintuan. May nakalagay na letrang “R” at numero sa bawat pinto.  Lumapit ako sa R7.
“’Yan po ang rancho.  Tawag sa room namin.”  Nakangiting sabi ng nasa likod kong estudyante na pinagtanungan ko.
Natanaw ko ang loob ng room.  Sabog ang boses ng nagsasalitang propesor. Dinig ko rin ang nagle-lecture sa mga kadikit na room.  May isang stand fan sa harapan pero kanya-kanyang paypay ang mga estudyante.  Wala kasing kisame.  Dama ko mula sa labas ang ibinubugang init ng silid.  Naalala ko ang init ng oven ng Mulawin Hot Pandesal ‘pag binubuksan ng suki kong tindera sa Sta. Mesa. Pero hindi amoy pandesal ang ibinubugang init.  Naging malinaw na sa akin ang sinabi ng estudyante. 
Inulan ako ng pawis.  Nag-alangan.  Parang gusto kong umatras.  ‘Yung super typhoon kanina sa dibdib ko, eh nadagdagan ng magnitude 8 na lindol.  Dito ako nadestino nang mag-apply sa main campus sa Maynila.  Bagong graduate ako at nangangailangan ng faculty na magtuturo ng literature.  At dahil kailangan ko nang pakinabangan ang inaral ko, at may pangangailangan din na matustusan ang bisyo ng tiyan, kahit maliit lang ang per hour na rate ko, na ayon din sa academic head na nag-interview sa akin ay abnormal ang hindi ma-delay ang sahod,  tinanggap ko na.  Dahil wala naman na akong choice.  Pero nakalimutang banggitin sa akin ang tungkol sa rancho.
Lumabas ang prof sa R7.  Nagmamantika ang mukha.  Parang crinkles na binudburan ng asukal ang buhok dahil sa chalk.  Pero nakangiti pa rin ang labing natuyuan na ng laway.
Huminga ako nang malalim.  Kung may oras pa, magyo-yoga muna sana ako, pantanggal stress.  Gusto ko rin sanang tumawag ng saklolo para masagip sa sakuna ang dibdib ko.  Ngunit hindi na uubra, dahil wala na akong choice, bawal na umatras.   
Pumasok ako sa room.  Lalo kong nadama ang init at kaba.  Inilapag ko ang bag sa silya at pinulot ang tirang chalk na nasa mesa.  Tumalikod sa klase.  Masakit sa tenga ang pagkiskis ng chalk sa magaspang na blackboard.  Bago ko matapos isulat ang pangalan ko, naputol ang chalk.  Yumukod ako para pulutin ‘yon.  Saglit na napako ang tingin sa nakapintang pangalan sa likod ng silyang pinagpatungan ko ng bag.
Donated by Mayor Gabriel Sto Niňo

 Tumindig ako at itinuloy ang pagsusulat.  Tiniis ang sakit sa tenga ng pagkiskis sa blackboard ng tirang chalk na putol.

Martes, Nobyembre 6, 2012

Multo


Parang atungal ng makina ng jeep na natuyuan ng gasolina na pilit pinagagana ang namamayani sa barong-barong nila Utoy. Umaangat ang ulo't katawan ng kanyang ina sa sunod-sunod na pag-ubo.

Kinikilabutan siya sa galaw ng mga anino na likha ng kandilang nagpapanatili sa maputlang liwanag sa paligid. Araw ng mga patay kaya lalo siyang natatakot.

Lumilikha ng ibat ibang anyo ang mga anino sa kanyang paningin. Parang may malilisik na mata at matutulis na kuko ang nakikita niya. Nakamasid siya sa paligid. Lumapit sa ina na nakaratay sa banig. Patuloy pa rin ang pag-atungal ng dibdib.

Naramdaman niya sa pisngi ang pagdikit ng magaspang na kamay. " 'wag.. ka.. matakot Toy.. magdasal.. ka lang" Lalong tumindi ang namamayaning tunog.

Biglang may tumalsik sa braso ni Utoy. Kulay pula. Pakiramdam niya, nilalamon na sila ng mga anino.
Isang malalim at mahabang paghabol sa hininga ang narinig niya. Ilang saglit pa, wala nang namamayaning atungal ng dibdib. Napalitan ng palahaw ng iyak.

Wala na nga ang mga anino. Subalit nananatili sa kanyang katawan ang anino ng kahirapan, ang multo ng karukhaan.