Sabado, Mayo 5, 2012

Tulay na Bakal


Sa berdeng tulay na bakal na iyon
Isang musmos ang kunot-noong  nakatanaw
yayat ang katawan,
hungkag ang mukha
walang tiyak na patutunguhan
ang tingin..

sa berdeng tulay na bakal na iyon
hindi natitinag ang laksa ng tao
walang damdamin,
nagmamadali
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
lantad ang lupit ng daigdig
‘sang kalawanging lata ng sardinas
Butas na tsinelas
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
walang lugar para maglaro
ang tuwid na estruktura
tanging layon ay mag-ugnay
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
sumaglit sa alaala
‘sang inang naghahabol ng hininga
may kumislap sa sulok ng mata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
maraming pangarap ang nagdaraan
asam ay hulugan ng pagpapala
bahaw pa rin ang tunog ng lata
isang musmos ang kunot-noong nakatanaw

sa berdeng tulay na bakal na iyon
may nakararamdam din pala
aliw-iw sa tenga ang kalansing sa lata
kumurap ang habag
impit na ngiti ang naitugon
nang musmos na kunot-noong nakatanaw….

26 (na) komento:

  1. Ang mga munting bagay ay nakapagbibigay saya sa tao akala'y wala ng pag-asa. Sa berdeng tulay na bakal na iyon mahihinuha na sa pagkakunot ng noo nito kasabay ang pagasang kahit papano may mahihita siya sa araw na iyon. Na maibibigay niya sa ina niyang naghihingalo at maidadagdag sa latang walang walng laman. Ang unting tulong na iyon ay pag-asa na sa musmus na ito.

    TumugonBurahin
  2. Naaalala ko yung mga panahon na ako ay naglalakad sa mga berdeng tulay na bakal. Marami ang mga katulad ng kunot-noong nakatanaw. Kahit maliit lang ang ibigay mo, malaking tuwa na iyon para sa kanila. :)

    TumugonBurahin
  3. Ang pumasok sa isip ko pagkatapos basahin ito:

    Ang tulay na iyon ay nagsilbing tawiran ng panahon. Ang daming nangyari at lagi ang nakakatanaw ay isang musmos. Masama, mabuti, mabilis, mabagal, at simpleng pangyayari.Nakikita nila ang paglipas ng mga pangyayari with the eyes of the curious, of the wondering. At isang araw, sila din ang makikita ng isa pang musmos na nakakunot ang noo.

    TumugonBurahin
  4. madaming taong dumadaan sa tulay pero konti lang ang taong naawa at nagmalasakit doon sa musmos na bata..

    TumugonBurahin
  5. Marami ng nagdaan sa tulay na iyon. May iba't ibang uri ng tao. Ngunit may iisang tao na walang choice kundi ang tumingin at magmasid na lamang.

    TumugonBurahin
  6. Yung tulay na berde ay nagsisilbing tanda na lumilipas ang panahon, at sa paglipas nito lahat ay nag-aasam ng pagbabago ngunit sa pangyayari sa tula nilipasan na ng tulay at ng mga tao roon ang inaasahan nilang pagbabago.

    TumugonBurahin
  7. Ang berdeng tulay na bakal na yaon ay sumisimbolo sa atin mundo, maraming nagdadaan, masama, mabuti, maganda o panget man ngunit ganunpaman, ang musmos na iyon ay hindi nawalan ng pag-asa, kahit sa tingin ay walang pag-aasa ay patuloy parin siyan umaasa. Nakatanaw pa rin siya at patuloy lang na umaasa. Dapat ay ganun din tayo, hangga't may buhay ay may pag-asa pa

    TumugonBurahin
  8. nakakaawa talaga ang mga batang sa lansangan na tumitira dahil sa hirap ng buhay. umaasa nlang sila sa limos at awa ng mga taong mapa2dan sa kanila sa halip na sa kanilang sariling mga magulang.
    sana mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang gayong mga sitwasyon ng mga kapos na mamamayan sa halip na kung anu-anong issue ang pinapansin nila.

    TumugonBurahin
  9. Ang tulang ito ay nakapagbatid sa akin ng totoong lagay ng lipunan; ang mga karakter at apektado ng nakaririmarim na kalagayan ng mahihirap. Ang bawat pangarap ng isang musmos na unti-unting naglalaho dahil sa lagay ng kabuhayan. Ngayon, napagtanto kong kahit papaano, swerte pa pala ako dahil hindi ko kahit kailanman naranasan ang manatili sa berdeng tulay na bakal na iyon at danasin ang dinadanas ng maraming kabataan ngayon. Naipabatid lamang nito sa akin na kailangan kong magpasalamat sa kung ano man ang tinatanggap ko ngayon dahil walang-wala iyon kumpara sa dinaranas ng mga musmos sa berdeng tulay na iyon.

    TumugonBurahin
  10. mahihinuha mo sa tulang ito ang paghihirap na dinaranas ng lipunan. sana ay makita at mabasa din ito ng mga taong nakaupo sa palasyo at magawan nila ng aksyon at paraan ang mga musmos na bata na halos mawalan na ng pag-asa sa sobrang hirap ng buhay na kanilang dinaranas.

    TumugonBurahin
  11. Isa pang nakakalungkot na tula . Wala na akong masabi . Madami na ata akong naicomment sa blog na ito ngunit alam kong kulang pa . Nakakalungkot talaga yung tula . Minsan gusto ko na lang takasan ang paningin ko mula sa pagbabasa ng mga ganitong tula dahil alam kong mababagabag lang ako . Ngunit thats life . Parang Tulay Na Bakal ..

    TumugonBurahin
  12. Bigla akong nakarelate sa tulang ito. Lagi kasi akong nakakakita ng mga batang namamalimos sa tulay. Tuwing tinitignan ko sila, nakakalungkot tignan kasi sa murang edad, namamamalimos na sila, malamanan lang ang mga tiyan nila. Pero tuwing may nagbibigay naman sa kanila, makikita mo talaga yung mga ngiti sa kanilang mukha. Yun talaga yung nakakaantig ng puso kasi kahit maliit na bagay lang yung ginawa mo, para sa kanila sobra na yung pasasalamat nila.

    TumugonBurahin
  13. Ang 'Tulay na Bakal' ay isang tulang nagpapakita ng katigasan ng puso ng mga taong mas nakakaangat. Ngunit sa isang banda, hindi rin dapat sa lahat ng oras ay magpadala tayo sa awa. Ang mga batang iyon ay may mga magulang. Pinipilit silang mamalimos para may pangkain ang pamilya. Hangga't may naglilimos ay may mamamalimos. At dadating ang araw na ang batang tinulungan mo ay masasagasaan sa kalsada, sa tinuring nilang lugar ng pagtatrabaho.

    TumugonBurahin
  14. Sa tulang ito ay ang unang linya at panghuli ay parehas sa lahat ng stanza. Maganda rin ito at nagpapakita na ang isang musmos ay nanlilimos para sa kanyang ina na nangangailangan ng pera.

    TumugonBurahin
  15. Sana sa bawat panahon na tayo'y nakasulyap ng batang musmus, sana maibigan na magbigay dahil tayo din ay nabubuhay sa tulong ng iba.

    TumugonBurahin
  16. Isang tulang nagpapakita ng pagwalang bahala ng mga dumaraan sa isang tulay na bakal ang musmos na batang walang makain. Nakakapukaw ng damdamin dahil wala man lamang naghulog ng kahit konting barya sa kanyang lata ng sardinas.

    TumugonBurahin
  17. Ipinapakita sa tula na sa dami ng taong nagdaan sa tulay ay iisa lamang ang pumansin sa batang nanlilimos ng kaunting halaga. Ang mga kapwa natin na salat sa pera ay dapat tinutulungan ngunit dapat din nilang tulungan ang kanilang sarili na makaangat.

    TumugonBurahin
  18. Sana wala ng bata ang makakaranas ng ganitong bagay sa mundo. Ang sakit isipin na habang kumportable kang nakakatulog sa bahay niyo, kumakain ng masasarap at may maayos na pamilya ay may ilang batang kapos palad na naghihirap. Sana matulungan natin sila.

    TumugonBurahin
  19. sa berdeng tulay na bakal na iyon, sumasambulat ang kahirapan ng bansa, pagkagahaman ng ilang pulitika at mga pangarap na tuluyan nang nadusta. Nakakalungkoooot. :< sinasabi na ang kabataan ang munting pag asa ng bayan pero kung ganito ang sitwasyon na nakalapat paano na ang kinabukasan sa ating inang bayan?

    TumugonBurahin
  20. hindi binibigyang pansin ang mga kabataang nanghihingi ng limos sa mga tulay marahil ay hindi nila ito ginagamit sa tamang paraan. kaya kung sa gayo'y pagkain na lamang ang ibigay.

    TumugonBurahin
  21. HINDI DAPAT NA HABANG BUHAY AASA ANG KABATAAN SA LIMOS NG MGA TAO.
    DAPAT MATUTO DIN SILANG KUMILOS AT MAGHANAP BUHAY

    TumugonBurahin
  22. Naaalala ko yung mga panahon na ako ay naglalakad sa mga berdeng tulay na bakal. Marami ang mga katulad ng kunot-noong nakatanaw. Kahit maliit lang ang ibigay mo, malaking tuwa na iyon para sa kanila.

    TumugonBurahin
  23. Tulay na Bakal. sumisimbolo ito sa kahirapan ng tao. ang namamalimos ay tayo. pansamantala ka nitong kinukupkop pero dadating din ang tulong. at kapag ang tulong ay naipon. ikaw naman ang susunod na tulay na bakal.

    TumugonBurahin
  24. Naalala ko tuloy ung mga batang pulubi sa mga kanto, lalo na sa mga matataong lugar. May magandang kinabukasan pa kaya silang haharapin?

    TumugonBurahin
  25. Ito ay isang kwento tunkol sa isang pulubi na nagmamalimos sa isang tulay. Tunay ngang kaawa-awa tingnan ang mga ganitong eksena sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

    TumugonBurahin